MAAARING manatili sa loob ng Senado si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sakaling maglabas ng warrant of arrest laban sa kaniya ang International Criminal Court (ICC), ngunit ito’y hangga’t hindi pa nauubos ang kaniyang mga legal na remedyo.
Ito ang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa isang press conference matapos ihayag ni Dela Rosa na hihingi siya ng proteksiyon mula sa Senado kung sakaling ipalabas ang nasabing warrant.
Binanggit ni Escudero araw ng Lunes na hindi papayagan ng Senado na arestuhin ang sinumang miyembro nito sa loob ng gusali, lalo na kung may sesyon.
“Iba’t ibang sitwasyon na ang kinaharap ng Senado kung saan may kaso laban sa mga miyembro nito. Ang naging pasya ng Senado ay ito: Hindi nakabase sa batas pero nakabase sa tinatawag na ‘institutional courtesy’—hindi maaaring arestuhin ang isang senador habang nasa loob ng Senado,” pahayag ni Sen. Francis “Chiz” Escudero. President, Senate of the Philippines.
Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na warrant mula sa ICC, ngunit patuloy na binabantayan ang posibleng hakbang laban kay Dela Rosa. Si Dela Rosa ay isa sa mga pangunahing tagapagpatupad ng kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
VP Sara, hindi obligadong dumalo sa impeachment hearings maliban kung ipag-utos ng korte
Samanatala nilinaw ni Escudero na hindi obligado si Vice President Sara Duterte na personal na dumalo sa impeachment hearings maliban na lamang kung may kautusan mula sa korte.
Sa isang press briefing, ipinaliwanag ni Escudero na walang batas na nag-uutos sa isang ini-impeach na opisyal na direktang humarap sa mga pagdinig sa Kongreso, at maaari itong katawanin ng kaniyang mga abogado.
“Ang impeachment ay isang proseso ng Kongreso, at hindi ito katulad ng isang normal na paglilitis sa korte kung saan kailangang dumalo ang akusado. Walang probisyon sa batas na nagsasabing kailangang personal na humarap si VP Duterte, maliban na lamang kung may kautusan ang korte,” ayon pa kay Escudero.
Ayon sa Saligang Batas, ang Mababang Kapulungan ang may kapangyarihang magsampa ng impeachment complaint, habang ang Senado ang magsasagawa ng paglilitis kung aabot ito sa trial stage.
Binanggit din ni Escudero ang mga nakaraang impeachment proceedings kung saan ang mga ini-impeach na opisyal ay hindi personal na humarap at sa halip ay kinatawan ng kanilang mga legal na tagapayo.
“May karapatan ang sinumang ini-impeach na opisyal na gamitin ang legal na proseso at ipagtanggol ang sarili nila sa paraang nais nila,” dagdag niya.
Follow SMNI News on Rumble