MALAKI ang tiwala ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na walang magaganap na kaguluhan mula sa kampo ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ sakaling arestuhin ang pastor ng Senado.
Matatandaan na ang Senado ay naglabas na ng arrest order para kay Pastor Apollo upang masiguro ang kaniyang pagdalo sa imbestigasyon ni Sen. Risa Hontiveros.
Ipinunto ni Dela Rosa na hindi bayolente na tao si Pastor Quiboloy at maging ang mga followers nito kung kaya’t malabo ang sinasabing lalaban sa mga arresting officers ang mga miyembro ng KOJC.
“Si Pastor Quiboloy kilala ko na hindi bayolente na tao. ‘Yung followers nya masyadong mababait,” ayon kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Mas naniniwala pa ang senador na kung ayaw magpaaresto ng KOJC leader ay magtatago na lamang ito dahil malabo sa imahe ng kilalang Pastor na lumaban sa awtoridad o sa gobyerno.
“Magtatago sya kung ayaw nya magpaaresto. Pero Yunng mag resist makipag gyera sa gobyerno that is far from my imagination,” dagdag ni Sen. Bato.
Sen. Bato payag maging security ni Pastor ACQ sakaling dadalo sa imbestigasyon sa Senado
Kaugnay rito ay nagbigay naman ng katiyakan si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa para sa seguridad ni Pastor Apollo.
Sa isang press briefing sa Senado, sinabi ni Bato na payag siyang maging security ni Pastor Apollo sakaling dadalo sa nasabing imbestigasyon.
“Kung takot sya dahil may threat sa buhay nya I can be his security at the Senate. I can offer myself to be his security just for him to be present at the hearing,” aniya.
Si Sen. Bato ay kabilang sa ilang mga mambabatas na ayaw sa pagpapaaresto kay Pastor Apollo para pagsalitain kaugnay sa mga alegasyon laban sa kaniya na lumutang sa imbestigasyon ni Hontiveros.
Naniniwala si Sen. Bato na may mabigat na rason si Pastor Apollo kung bakit ayaw niyang dumalo sa pagdinig ni Hontiveros.