Sen. Bong Go on House Speakership issue: It’s not my business

Sen. Bong Go on House Speakership issue: It’s not my business

HINDI nag-komento si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go hinggil sa umano’y isyu sa speakership nina Dating Pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo at House Speaker Martin Romualdez.

Punto ng senador, hindi panahon ngayon sa politika at ang naturang isyu ay internal matter ng House of Representatives.

Giit ni Go, serbisyo sa publiko ang kaniyang pinagtutuunan ng pansin lalo na maraming kababayan ang nangangailangan ng tulong.

“As a senator, as a matter of parliamentary courtesy, it’s not my business po na makialam sa kanilang proseso. Let me repeat, no comment po ako diyan,” ayon kay Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go.

Matatandaang una nang pinabulaanan ni Arroyo ang umuugong na kudeta o pagpapatalsik kay Speaker Romualdez sa puwesto.

Sa isang pahayag ay inamin naman ni Arroyo na pinangarap niyang maging House Speaker matapos manalo si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Pero, mas kumportable aniya ang pangulo na italaga bilang speaker si Romualdez.

“When President Marcos won, I wanted to aspire for the speakership of the House. But, it soon became apparent that he was most comfortable with then Congressman Martin Romualdez as Speaker,” pahayag ni Rep. GMA, Dating Pangulo at Pampanga 2nd District.

Law enforcer, NBI at BOC, dapat manindigan na ipatupad ang batas vs smuggling

Naglabas naman ng komento ang senador hinggil sa isyu na kinakaharap ng pamahalaan laban sa smuggling.

Dahil sa sunod-sunod na pagpapasok ng mga puslit na mga produktong agrikultural sa Pilipinas.

Nanawagan si Go sa mga law enforcer, mga opisyal mula sa National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Customs (BOC) na ipatupad ang mga batas na nakapaloob sa ‘Anti-smuggling law’.

 “Kaya nga po nanawagan ako sa ating mga law enforcer, NBI,  kapulisan, at Bureau of Customs (BOC) na ipatupad po ninyo ang batas. Kami po mga senador, kaya nga ginagawa namin ‘yung batas para ipatupad niyo, kaniya-kaniya po tayo ng trabaho sa mundong ito. Kaya, nakiki-usap po ako sa inyo alang-alang po sa mga kababayang mahirap ay ipatupad niyo po ang batas at kasuhan,” saad ni Go.

Giit ng opisyal, dapat na silipin ng Department of Agriculture (DA) ang muling paglobo sa presyo ng sibuyas sa merkado.

Nakapagtataka aniya kung bakit bigla-bigla na lamang lumubo ang presyo.

“Pero, ang problema dito ay bakit mataas ‘yung presyo kasi baka mataas din o ‘yung bili nila ‘yung puhunan nila, bakit? Bakit mataas? Maaari bang mayroong nagho-hoard? Mayroon bang nagtatago ng supply kung kaya’t tumataas ‘yung presyo? ‘Yun ang dapat silipin, meron naman tayong ‘anti-smugging law’ na dapat po ay ipatupad. Dapat tuluyan ‘yang mga smuggler para hindi po sila manamantala sa mga kababayan natin,” ani Go.

Importasyon ng mga agri-products, dapat balansehin na ‘di maapektuhan ang mga magsasaka—Sen. Go

Hindi naman umano tutol ang senador sa importasyon ng anumang uri ng produktong agrikultural tulad ng sibuyas, bigas, at iba pa.

Ngunit, dapat lang balansehin ng DA kung ito ba ay kinakailangan na ng ating bansa na hindi rin maapektuhan ang mga lokal na magsasaka.

Dapat na mabigyan ng prayoridad ang mga ito katulad na lamang nang pagbibigay ng suporta katulad trainings, technology transfer, more fertilizers, at iba pa.

“Pero, unahin po muna nating suportahan ang mga local farmer, sila po ay may binubuhay na mga kababayan natin, sila po ‘yung isang kahig, isang tuka. Dapat lang po na suportahan natin sila,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter