Sen. Chiz, naniniwala na kwalipikado si Herbosa na mamuno sa DOH

Sen. Chiz, naniniwala na kwalipikado si Herbosa na mamuno sa DOH

MATAPOS na bigong makumpirma sa Commission on Appointments (CA) ay naghayag ng suporta si Senator Chiz Escudero sa nominasyon ni Secretary Teodoro Herbosa sa Department of Health (DOH).

Binanggit ng mambabatas, na may sapat na karanasan at kakayahan si Herbosa na pamunuan ang DOH habang gumagaling ang bansa mula sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Escudero, inaabangan niya ang kumpirmasyon ng appointment ni Herbosa kapag ipagpatuloy na ng Kongreso ang sesyon nito sa Nobyembre 6.

Si Herbosa ay bigong makumpirma sa CA dahil sa kakulangan ng oras.

Ang Kongreso ay naka-break mula Setyembre 30 hanggang Nobyembre 5.

Para manatili si Herbosa sa posisyon ay kailangan siyang i-reappoint ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Si Herbosa ay umupo bilang kalihim ng DOH sa buwan ng Hunyo ngayong taon.

Una siyang naging undersecretary ng DOH mula 2010 hanggang 2015 at naging special adviser ng National Task Force Against COVID-19 ng nakaraang administrasyon.

Follow SMNI NEWS on Twitter