NANANAWAGAN Si Senator Francis ‘Chiz’ Escudero sa gobyerno na sampahan ng karampatang parusa ang mga pampublikong opisyal at indibidwal na mapatutunayang may ginawang anomalya kaugnay sa kontrobersiyal na Manila Bay reclamation.
Suportado ng beteranong mambabatas ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na suspindihin ang mga reclamation projects sa Manila Bay matapos makatanggap ng report ng iba’t ibang problema sa pagpatutupad ng reclamation.
Si Escudero na unang nagbabala sa Malakanyang laban sa pagharang ng reclamation projects, ay nilinaw na hindi sya kontra dito.
Matatandaan, sa isang press briefing ay sinabi niya na kontra lamang siya sa pagharang ng reclamation projects sakaling ang pagkaalarma lamang ng United States Embassy ang batayan sa pagpahihinto ng operasyon ng mga nasabing proyekto.
Paliwanag niya, pabor siya rito kung batay sa ebidensiya ang gagawing pagpapahinto ng reklamasyon.
“Make sure that it will not have any adverse impacts on our environment, given climate change, as well as the safety and convenience of our people in potentially affected areas,” ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Ipinunto niya na kung may anomalya sa pagbibigay ng environmental pemits ay dapat itong itama kung kaya pang itama habang kinokonsidera ang mga nakasalalay na investments.
Sa kasalukuyan ay may 24 na reclamation projects sa Manila Bay na may layuning gumawa ng karagdagang espasyo para sa residential at commercial development.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay sasakupin ng reclamation o pagtatambak ng lupa ang siyam na libong ektarya ng karagatan, mas malawak ito sa pinagsamang laki ng lungsod ng Maynila, Makati, Pasay, San Juan, at Pateros.