NAKATUON ang pamahalaan sa pangangalaga ng kapaligiran at pagsisiguro sa integridad para sa mga Pilipino at kinabukasan ng bansa.
Ito ang sentro ng mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kaniyang pakikiisa sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Philippine Forestry Service (PFS).
Kaugnay rito, inilahad ni Pangulong Marcos na maaaring gamitin ng bansa ang Ilocos Norte Forest program para matiyak ang sustainability.
“The PH Forestry Service, now the Forest Management Bureau, has been on top of protecting and conserving our forests since 1863 and as such, it is only right that we commemorate your anniversary to further inspire progress in preserving our trees and our forests in these coming year,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Nakiisa si Pangulong Marcos sa pagdiriwang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa Philippine Environment Month, Philippine Labor Day, at ika-160 na anibersaryo ng Philippine Forestry.
Ginanap ang okasyon sa DENR Central Office sa Quezon City nitong Hunyo 26.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na nakatuon ang pamahalaan sa pagtiyak ng environmental integrity at sustainability para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at susunod na mga henerasyon.
“And the only way that we were able to guarantee that this will be a self-sustaining program, that once we leave, that those locales who live in those areas will actually take care of those trees was to give them a sense of ownership and we did this simply by saying these trees are yours,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Nabanggit naman ni Pangulong Marcos na may babala na ang mga siyentipiko sa loob ng ilang dekada patungkol sa dulot ng anila’y ‘lack of sensitivity’ ng tao sa kalikasan, at sa kasamaang palad, hindi ito pinakinggan ng karamihan.
Bilang resulta, kinakaharap ngayon ng mundo ang global warming at climate change.
“And now we are resigned to the one and a half degrees celsius increase in our global temperature and perhaps that might even reach 2 degrees celsius if we don’t do something about it,” ani Pangulong Marcos.
Kaya naman, patuloy na nananawagan si Pangulong Marcos sa DENR, iba pang ahensiya, pribadong sektor at maging sa publiko na protektahan ang kapaligiran at limitadong mapagkukunan ng likas na yaman ng bansa.
Pamahalaan, maaaring gamitin ang Ilocos Norte Forest program para matiyak ang sustainability—Pangulong Marcos
Kaugnay rito, inihayag ni Pangulong Marcos na maaari ding gamitin ng bansa ang isang konsepto ng Forest Management Project, na isinagawa sa Ilocos Norte upang matiyak ang pagpapanatili ng Forest Projects.
Ang proyekto ng Ilocos, na tinustusan ng Asian Development Bank (ADB) ay may kinalaman sa pagtatanim ng puno, pagpapaunlad ng watershed at pagtataguyod ng cooperative organization.
“And I am happy to be able to report that those trees up to now are growing, are strong, and are continuing to be to cover a great deal of our forest land, and now also the watershed developments that we started,” ayon kay Pangulong Marcos.
Kasabay ng selebrasyon ng nasabing okasyon, nagtanim si Pangulong Marcos ng Molave Tree sa Environmental Heroes Park ng DENR bilang pagdiriwang ng Labor Day na ginaganap tuwing Hunyo 25.
Ngayong taon, hinihikayat ng DENR ang pagtatanim ng native trees species sa buong bansa, partikular ang Molave, Narra at Mountain Agoho.
Nakatutulong ang mga punong ito sa pagbawi at pagpapalawak ng tirahan sa kagubatan para sa nanganganib na native species ng mga halaman at hayop.
Nagproprotekta rin ang mga nasabing puno sa watershed at freshwater resources at tiyakin ang kabuhayan ng mga lokal na mamamayan.
Pahayag ng DENR, maliban sa Molave na kapaki-pakinabang at mayroong high-level resistance sa mga anay at iba pang peste, mayroon din itong kamangha-manghang lakas at tibay.
Ang anibersaryo ng PFS ngayong taon ay may temang, ‘Forest for Life’.
Taong 2020 ang Pilipinas ay mayroong mahigit na 7.2 milyong ektarya ng forest land.