Sen. Cynthia Villar sinagot ang akusasyon ng Palasyo: “Hindi ako hadlang, ako’y kaagapay ng mga magsasaka”

Sen. Cynthia Villar sinagot ang akusasyon ng Palasyo: “Hindi ako hadlang, ako’y kaagapay ng mga magsasaka”

MATAPANG na sinagot ni Sen. Cynthia Villar ang akusasyon ng Malacañang, sa pamamagitan ni Press Officer Undersecretary Claire Castro, na siya umano ang humadlang sa pagbabalik ng kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na bumili ng palay at magbenta ng bigas sa publiko.

Ayon kay Villar, mali ang pahayag na walang kakumpetensiya ang rice traders sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.

Aniya, ang Rice Tariffication Law (RTL), na siya ang pangunahing may-akda, ay nilikha upang palakasin ang kompetisyon at bigyan ng lakas ang mga magsasaka.

“Patuloy na bumibili ang NFA ng palay mula sa ating mga magsasaka upang mapanatili ang buffer stock. Hindi na nito kontrolado ang pag-aangkat, ngunit may tungkulin pa rin ito sa merkado,” giit ni Sen. Cynthia Villar.

Binigyang-diin ng senadora na imbes ibalik ang dating sistema ng NFA na maraming naging problema sa utang, katiwalian, at mababang epektibidad, mas mainam na palakasin ang kasalukuyang mga reporma. Sa ilalim ng RTL, mahigit 150 kooperatiba ng magsasaka na ang nabigyan ng makabagong pasilidad sa pagpapatuyo at paggiling ng bigas. Layunin nitong alisin ang dominasyon ng mga middleman at direktang mapalaki ang kita ng mga magsasaka.

“Hindi solusyon ang pagbabalik ng kapangyarihan sa NFA. Ayon sa datos, kahit kontrolado pa noon ng NFA ang supply, hindi nito napigil ang pagsirit ng presyo ng bigas at lalong lumaki ang utang ng gobyerno,” paliwanag ni Villar.

Dagdag pa niya, sa ilalim ng bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.—ang Republic Act No. 12078, pinalakas pa lalo ang kakayahan ng Department of Agriculture (DA) upang mag-regulate ng rice market, mag-imbestiga ng grain warehouses, at magpakilos ng rice buffer stocks sa panahon ng krisis.

“Ang layunin ng RTL at mga bagong batas ay simple—siguraduhing hindi naghihirap ang magsasaka at may abot-kayang bigas sa hapag ng bawat Pilipino. Hindi ko kailanman hinadlangan iyan, bagkus ako ang nagtulak niyan sa Senado,” pagtatapos ng senadora.

Sa halip na pagbintangan, iginiit ni Villar na dapat ituon ang atensiyon sa pagpapatibay ng mga kasalukuyang reporma upang makamit ang tunay na seguridad sa pagkain ng bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble