NAGHAIN si Senator Win Gatchalian ng panukalang batas na tutukoy sa mga maritime zone ng bansa na naaayon sa mga batas ng bansa ukol sa maritime territory nito sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ito ay sa gitna ng patuloy na tensiyon sa West Philippine Sea (WPS).
Binigyang-diin niya na sa pamamagitan ng pagdedeklara ng maritime zone boundaries ng Pilipinas, palalakasin ng bansa ang geographical extent ng maritime domain nito.
Ito ay gagabay sa mga Pilipino gayundin sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas at civilian law enforcers pagdating sa mga karapatan ng iba’t ibang maritime zone ng bansa at magbibigay-daan sa mga institusyong pandagat na isulong ang pambansang interes.
Ani Gatchalian na noong nilagdaan at niratipikahan ng bansa ang UNCLOS noong 1982 at 1984, ito ay naging isang hakbang tungo sa pagpapalakas ng legal at institutional framework para sa maritime governance at pagtatalaga ng maritime zone allocations ng bansa bilang isang archipelagic state.