Sen. Go nilinaw na patuloy ang operasyon ng Malasakit Center kahit Zero Budget

Sen. Go nilinaw na patuloy ang operasyon ng Malasakit Center kahit Zero Budget

BINIGYANG diin ni Senador Bong Go na apat na ahensya ng gobyerno ay may mga programa at kaukulang pondo para sa Medical Assistance, na nagsisiguro na patuloy ang operasyon ng Malasakit Center at may kakayahan itong magbigay ng medikal na tulong.

“Hindi po totoo na walang pondo ang Malasakit Center. Ang totoo po, ang Malasakit Center ay isang one-stop shop. Wala po itong sariling pondo. Batas po ito kung saan nandiyan po ang Philhealth, DSWD, nandiyan din po ang PCSO, at nandiyan po ang DOH, may mga pondo po sila katulad ng MAIFIP na pwedeng tumulong,” ayon kay Sen. Christopher “Bong” Go.

“Halimbawa, ang NKTI, pwede silang lumapit doon sa loob ng Malasakit Center. Meron pong social worker na tutulong at iga-guide sila para makakuha ng tulong mula sa apat na ahensiya… ang implementing agency po ng Malasakit Center ay ang Department of Health. Sila po ang dapat magpatupad ng programang ito at karapatan po ito ng Pilipino,” saad nito.

Gayunpaman, pinaalalahanan ni Go ang mga kinauukulang ahensya na tiyakin ang tamang pagpapatupad ng Malasakit Centers Law upang matiyak na ang kanilang mga programang medikal ay madali at maayos na naibibigay sa bawat center, kasama ang mga tauhan na magbibigay gabay sa mga pasyente.

Sa kasalukuyan, may 167 Malasakit Centers na itinayo sa mga pampublikong ospital sa buong bansa, layunin nitong magbigay ng mabilis at abot-kayang medikal na tulong sa mga Pilipinong nangangailangan.

“Hindi po totoo na zero ang pondo ng Malasakit Center dahil nandiyan po yung apat na ahensya na may pondo at karapatan po ito ng Pilipino. Pera po ng Pilipino iyan at dapat pong ibalik sa Pilipino ang pera ng Pilipino sa pamamagitan ng mabilis, maayos, at maaasahang tulong pampagamot,” ani Go.

Bong Go Umapela: “Wala Dapat Tinatanggihan na Pasyente ang Malasakit Center”

Kaakibat nito, muling tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go na ang mga Malasakit Centers sa buong bansa ay may mandatong magbigay ng tulong sa lahat ng Pilipino na nangangailangan ng medikal na tulong, binigyang diin na “wala dapat tinatanggihan na pasyente ang Malasakit Center.”

Bilang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act, inulit ni Go sa publiko na ang Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay may mga nakalaang programa na maaari magamit sa Malasakit Centers bilang isang one-stop shop para sa medikal na tulong, ayon sa Malasakit Centers Law.

Ang pondo para sa bawat programa ng medikal na tulong ay kasama sa mga badyet ng DOH at DSWD na nakasaad sa General Appropriations Act, o sa kaso ng PCSO at PhilHealth, ayon sa kani-kanilang mga mandato at sa ilalim ng Universal Healthcare Law.

“Dapat po ibalik natin sa taumbayan ang pera. Yan po ang Malasakit Center. Kaya po yan one-stop shop… batas na po yan. Tuluy-tuloy naman po ang tulong ng Malasakit Center. Dahil pera po yan ng taumbayan, pera yan ng Pilipino. Kaya ako po ay patuloy na susuporta sa abot ng aking makakaya para maimplementa ng maayos ang Malasakit Centers Law,” wika nito.

Ang mga partner agencies ay matatagpuan sa loob ng Malasakit Centers sa mga pangunahing pampublikong ospital upang magbigay ng isang streamlined na proseso para sa mga indigent patients na humihingi ng tulong para sa hospital bills, gamot, at iba pang gastusing medikal.

Binanggit din ni Senator Go ang Department of Health’s (DOH) Department Memorandum 2023-0235, na inilabas ni Secretary Teodoro Herbosa, na nag-uutos sa Malasakit Centers na magbigay ng mahahalagang serbisyo sa lahat ng pasyente.

“May memo po sila, mismo ang Department of Health, na wala pong matatanggihan na pasyente ang Malasakit Center, lalung-lalo na po yung mga indigent patients,” ayon kay Sen. Go.

Bilang Chair ng Senate Committee on Health, muling tiniyak ni Go ang kanyang pagtutok at pangako na gagampanan ang kanyang mga oversight functions upang matiyak ang patuloy na operasyon ng Malasakit Centers sa buong bansa. Mula nang magsimula ang programa, mahigit 17.5 milyon na ang mga Pilipinong nakinabang mula sa Malasakit Centers, ayon sa DOH.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter