BILYON-bilyong piso umano ng kaban ng bayan ang winaldas para sa pamimigay ng ayuda at pamimili ng boto.
’Yan ang ginawang pambubuko ni Sen. Imee Marcos, ang nakatatandang kapatid ni Pangulong Bongbong Marcos sa Independence Day event sa Malaysia.
“Ako na magsasabi. Masakit man ang loob ko, masama man ang loob ninyo, kapatid ko ang nakaluklok sa poder. Ang totoo, sayang ang pinagkagastusan ng ating bansa. Inubos, bilyon-bilyon ayuda at pamimili ng boto. Aminin na natin ang totoo,” pahayag ni Sen. Imee Marcos.
Binanggit din niya si House Speaker Martin Romualdez at First Lady Liza Araneta-Marcos bilang “Lolong” at “Lalay” ng bayan na hango sa dalawang buwayang viral sa social media.
COMELEC, tikom sa pagduda ni VP Sara kaugnay ng botong nakuha ng mga pambato ng PDP Laban
Maliban diyan, duda rin si VP Sara Duterte sa kinalabasan ng boto ng iba pang pambato ng PDP-Laban na hindi pinalad sa eleksiyon.
Naniniwala siyang totoong nanalo ang mga kandidato ng partido.
Ang Commission on Elections (COMELEC), tumanggi namang magkomento sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, karapatan ng sinuman na nagpahayag ng opinyon sa ilalim ng isang demokratikong lipunan.
“No comment. An expression of opinion by anyone in a democracy is free and therefore should be highly respected,” saad ni Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.
Matatandaang una nang nanawagan si KOJC Leader Pastor Apollo Quiboloy sa COMELEC na magsagawa ng manual recount ng mga boto, kasunod ng mga umano’y discrepancy sa nakaraang eleksiyon.
May mga alegasyon na nakaprograma ang mga makina para mandaya.
May mga ulat din na may pre-shaded ballots at hindi tumugma ang resulta sa resibong inilabas kumpara sa aktuwal na boto ng mga tao.
Naging kontrobersyal din ang delay sa transmission ng election results sa transparency servers ng mga poll watchdog at media.
Maliban kay Pastor Quiboloy, nanawagan din ang ilang miyembro ng PDP Laban sa COMELEC na magsagawa ng manual recount.