Sen. Imee Marcos, dinepensahan si dating PRRD laban kay Speaker Romualdez

Sen. Imee Marcos, dinepensahan si dating PRRD laban kay Speaker Romualdez

TINIYAK ni Sen. Imee Marcos na mananatili siyang loyalista o tapat kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kabila ng umano’y destabilisasyon sa liderato ng Kamara.

Matatandaan na sa isang sesyon sa araw ng Lunes sa Kamara ay dinepensahan ni House Speaker Martin Romualdez ang sarili laban sa banta sa Kamara kung saan kaniyang tinukoy si dating Pangulong Duterte na sumisira sa reputasyon ng institusyon.

Sa isang mensahe na tila pasaring ng senadora sa liderato ng Kamara ay sinabi niya na kabastusan sa aral ng Yolanda ang ginagawa ng mga politikong pinagwawatak-watak ang bansa at ginagamit ang mga issue sa pagpapapogi at pagpapalapad ng papel.

“Kabastusan sa aral ng Yolanda ang pinagkakaabalahan ng mga politikong ginugutay-gutay ang bansa at ginagamit sa pagpapapogi at pagpapalapad ng papel. Ang aral na itinuro sa atin ng Yolanda eksaktong sampung taon nang nakalipas na ito. Na walang delubyo ang kayang lumunod sa lakas ng Pilipinong mulat at gising,” pahayag ni Sen. Imee Marcos.

Ayon kay Sen. Imee na kung tumalikod ang Kamara sa kanilang dating mainit na suporta kay Duterte ay hinding-hindi niya ito gagawin.

Paliwanag niya na isa rin siyang loyalista gaya ng kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, Sr. na mananatiling tapat at maninindigan para sa mga tunay na kaibigan.

“Doon, ay tinanong siya na kaya ba niya pinahintulutan ang paglilibing ay dahil kaibigan niya lang ako? Ang sagot niya noon ay sagot ko ngayon, hindi lang dahil kaibigan ko si PRRD, KAIBIGAN KO TALAGA SIYA, higit lalo si Inday Sara, mga kaibigan ko sa pagpapaunlad ng bayan, pagpapanatili ng kapayapaan at pakikipaglaban kontra sa pwersa ng kasamaang nagpapalaganap ng katiwalian, gutom, at katraydoran,” diin pa ni Sen. Imee.

Sinabi ng senadora na walang makakapigil sa kaniya para mag-ingay laban sa pagtataksil at pambabastos sa taong nagbigay galang sa kaniyang ama noong pinahintulutan ng dating Presidente na mahimlay sa Libingan ng mga Bayani ang kaniyang ama.

“Inuulit ko, noong 2015, ako ang una at kaisa-isang gobernador na nagdeklara ng suporta para kay Pangulong Duterte,” ayon pa kay Sen. Imee.

“At kahit ako ang nag-iisang matira, maninindigan ako para sa kanya,” pagtatapos ni Sen. Imee.

Dagdag din ng mambabatas na kaya may loyalista ang mga Marcos ay dahil tapat sila sa mga kaibigan, sa paninindigan, at higit sa lahat ay pinakaloyalista sila sa kapakanan ng bayan.

Follow SMNI NEWS on Twitter