Sen. Imee, naiintindihan ang hinaing ng Dating Pang. Duterte at Pastor Quiboloy sa administrasyon

Sen. Imee, naiintindihan ang hinaing ng Dating Pang. Duterte at Pastor Quiboloy sa administrasyon

NAGHAYAG ng lubhang pagkalungkot si Sen. Imee Marcos sa umano’y pang-aapi ng gobyerno kay Pastor Apollo C. Quiboloy at Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sa isang press briefing sa Senado binanggit ng nakatatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang kontribusyon ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Pastor Apollo C. Quiboloy sa administrasyon.

Ang pahayag ay ginawa ng senadora nang tinanong siya kung nakaramdam ba siya ng lungkot sa alegasyon ni Pastor Apollo sa kaniyang kapatid at First Lady Liza Marcos na nakikipagsabwatan sa Estados Unidos.

Una na ring tinawag ni Duterte na bangag sa droga ang kasalukuyang pangulo na kinuwestiyon din ni Pastor Apollo.

‘‘Alam mo kasi talagang tumulong sila sa administrasyon para maipanalo ang administrasyon. Tapos may ganito, allegedly pang-aapi. Kaya in a way nalulungkot ako, naiintindihan ko bakit sila nagsasalita ng ganyan,’’ ayon kay Sen. Imee Marcos.

Si Duterte ay posibleng ibigay o panagutin ng gobyerno sa International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y extra judicial killings kaugnay sa war on drugs ng kaniyang administrasyon.

Tinanggalan ng Kongreso ng budget sa intelligence fund ang kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte habang binawasan naman ang budget ng distrito ni Congressman Pulong Duterte sa Davao City.

Si Pastor Apollo ay pini-pressure ni Pangulong Marcos na dumalo sa pagdinig ni Risa Hontiveros sa Senado bukod pa sa aniya’y rendition na gagawin sa kaniya ng Amerika, habang ang SMNI naman ay suspendido ng National Telecommunications (NTC) ang prangkisa.

‘‘Lungkot na lungkot ako sa pangyayari sa SMNI at kay Pastor Apollo C. Quiboloy. Mabait siya sa atin at higit sa lahat tumutulong sa napakarami,’’ ayon pa kay Sen. Marcos.

Kinikilala ni Sen. Imee ang kapangyarihan ng Senado na magpa-subpoena o magpatawag ng resource person para sa isang imbestigasyon in aid of legislation, pero kaniya ring pinaalalahanan ang komite ni Hontiveros na dapat isaalang-alang ang karapatan ni Pastor Apollo, partikular na ang right to self-incrimination.

‘‘Alam naman natin ang kapangyarihan ng Senado na mag issue ng subpoena, talagang fundamental power ‘yan. Pero alalahanin natin na bigyan ng substantive at procedural process at saka ‘yung karapatan againts self-incrimination,’’ dagdag pa ng senadora.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble