HINIMOK ni Senadora Imee Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin pa ang mga biglaang inspeksiyon sa mga nagtitinda ng school supplies na lumalabag sa bagong-presyong gabay nito na isang buwan pa lamang ang nakalilipas.
Sinabi ni Marcos na magsasamantala ang mga negosyante sa unang linggo ng pagbubukas ng mga klase lalo na’t magkukumahog ang mga estudyante at mga guro na kumpletuhin ang kanilang mga gamit pang-eskwela.
“Iniisnab ng mga tindera ang price guide ng DTI,” ani Marcos kaugnay sa ‘Gabay sa Pamimili ng School Supplies sa 2023’ ng kagawaran.
Sa isinagawang pagmo-monitor ng opisina ng senador sa presyo ng school supplies sa ilang palengke sa Metro Manila noong weekend at Lunes, ang mga notebook ay nagkakahalaga ng 23 hanggang 60 pesos bawat isa, o hanggang walong piso higit pa kaysa sa 23 hanggang 52 pesos na nakalista sa Gabay-Presyo ng DTI.
Mas mura ang pad paper ayon sa Gabay-Presyo ng DTI, na nagkakahalaga ng 20 hanggang 28 pesos, pero umabot ng 35 pesos lalung-lalo na sa mga palengke sa Caloocan at Rizal.
Ang mga krayola na iba’t ibang dami ay nagkakahalaga ng 30 hanggang 100 pesos kada lalagyan, samantalang sa Gabay-Presyo ng DTI ay 24 hanggang 69 pesos lamang.
Gayunpaman, mas mababang presyo, tulad ng iba’t ibang lapis at ballpen, ay mabibili sa 7 hanggang 11 pesos, kumpara sa listahan ng DTI na nagkakahalaga ng 11 hanggang 17 pesos.
Ang mga naghahanap ng mura sa Divisoria na bumibili ng maramihan ay makakakita na ang regular na mga notebook na dati’y nagkakahalaga ng 180 hanggang 200 pesos kada ream ay ngayon ay nagkakahalaga ng 250 pesos, samantalang ang spiral na mga notebook na dati’y nagkakahalaga ng 180 hanggang 220 pesos kada ream ay nagkakahalaga ng hanggang 300 pesos.
Pinuri ni Marcos ang DTI sa mga biglaang inspeksiyon nito sa Divisoria at iba pang palengke sa nakaraang dalawang linggo ngunit sinabi na pagkatapos ng inspeksiyon, muling nagtaasan ang mga presyo.
“Ilang magulang ang mismo nang nagsabi na wala rin silang magawa kahit ipamukha sa mga nagtitinda ang gabay-presyo ng DTI,” sabi ni Marcos.
“Klaro na mas kailangang tutukan pa,” dagdag pa ng senadora.