KAMAKAILAN lang ay namahagi si Senator Imee Marcos ng cash assistance sa 2,500 tricycle drivers ng Dagupan City kasabay ang panawagan nito na magkaisa na ang mga opisyal ng lungsod.
“Fake it, till you make it” ito ang payo ni Sen. Imee sa hindi magkasundong kampo sa pagitan ng seven majority at minority ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan kaugnay sa hindi pagpasa sa budget para sa 2023.
Nangyari ito sa isinagawang pamimigay ng cash assistance sa 2,500 tricycle drivers na higit na naapektuhan sa tubig-baha sa siyudad dulot ng mga nagdaang Bagyong Egay at Falcon na dinagdagan pa ng pinalakas na hanging habagat.
Pinangunahan ang aktibidad ng senadora sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development-Assistance to Individuals in Crisis Situation (DSWD-AICS).
Biro ni Sen. Imee, kasunod ng malawakang pagbaha sa mga kalsada ng Dagupan na lulutang at malulunod sabay-sabay ang lahat kung hindi pa magkaisa ang Sanggunian ng Dagupan.
“Sana nga kahit papano magkaisa muna tayo kahit temporary lang, plastikan lang, tiis-tiis na lang. Ganyan talaga, wala tayong magagawa anong mangyari sa atin kung hindi tayo magkaisa sabay-sabay tayong malulunod nito. Kaya magkaisa muna, fake it, till you make it, kahit plastikan, wala tayong magawa lulutang at malulunod tayo sabay-sabay. Kaya magkaisa na please lang,” ayon kay Sen. Imee Marcos.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Belen T. Fernandez kay Sen. Imee sa mabilis na pagtugon sa kaniyang kahilingan na mabigyan ng tulong ang mga nasabing tricycle drivers.
“Itong mga tricycle noong nagdadaing po sila sa akin, sabi nila ano ang aming gagawin dahil one week na sila apektado. Hindi rin natin sila masisisi dahil sa taas ng tubig sa kalsada, masisira lang ang tricycle nila. ‘Yan ang sinabi nila sa akin. So, ang unang pumasok sa isip ko talaga si Senator Imee alam kong may solusyon,” ayon kay Mayor Belen T. Fernandez, Dagupan City.
Tugon ng butihing senadora, malapit sa puso niya ang tricycle drivers dahil malaki ang ambag ng mga ito sa tourism program, farm-to-market, at paghahatid ng mga estudyante sa kaniyang probinsiya sa Ilocos Norte.
Itinuturing aniyang dugo sa katawan ang mga tricycle driver kaya mahalaga na tulungan ang mga ito.
“Ang laking bagay nila na nakapagbigay ng iba’t ibang investor, higit sa lahat ng turismo, at ng hanapbuhay. Malaking utang loob ko sa TODA at alam ko ‘yung epekto ‘pag nahinto po sila. Pati ‘yung mga ani ng magsasaka hindi na dadala sa palengke, mga estudyante hindi makapag-aral. Wala, mahihinto lahat. Kaya kapag walang TODA, kapag walang pasahero, kaya dapat tulungan talaga, priority talaga sila,” ani Sen. Imee.
Samantala, plano ni Mayor Fernandez na magpadala muli ito ng sulat sa seven majority ng Sangguniang Panlalawigan upang hikayatin silang aprubahan na ang budget na malaon nang inaasam-asam para sa mga proyekto ng lungsod partikular na sa pagresolba sa walang tigil na pagbaha sa lugar.
“We will make sure, we will try again to send them a letter to ask them to approve the budget kasi sobra na hirap ‘yung mga kalsada na gagawin, school buildings na gagawin, kawawa naman ang mga bata ‘yung mga scholarships na mai-approve lalo na ngayon po natamaan ‘yung mga magulang sa hanap-buhay kailangan na talaga nating ibigay,” ani Mayor Fernandez.
Maliban sa cash assistance ay namahagi rin si Sen. Imee ng nutribun at mga laruan sa mga kabataan.
Parehong ayuda rin ang ibinahagi ng senadora sa bayan ng Binmaley, Calasiao, at Sta. Barbara ng probinsiya.