KASUNOD ng imbestigasyon ng Senado sa Bilibid ay nanawagan si Senator Robin Padilla sa Bureau of Corrections (BuCor) na magkaroon ng ilang reporma sa pagtrato sa mga bilanggo.
Mas maayos na selda, oras na magpahangin, at paghiwalay ng mga hardcore na “crime lord” sa “general population” ng mga bilanggo.
Ilan ito sa mga repormang kailangang unahin para hindi maulit ang pagtangka ng persons deprived of liberty (PDL) na tumakas o gumawa ng ibang kalokohan, ani Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla.
“Una, diyan kako ang magandang kalulugaran nila. Meron silang magandang selda, may oras para magpahangin. At higit sa lahat di sila overpopulated… Kaya po sana, maintindihan ng ating mga mambabatas na katulad ko na kailangan natin ayusin ang prison system natin,” pahayag ni Sen. Robin Padilla.
“Ang dapat pagtuunan ng pansin, huwag isama ang hardcore criminal sa petty criminal. Matagal kong advocacy ‘yan. Hindi ko maintindihan bakit ang drug pusher na yan, mga drug lord na yan, ‘di ko maintindihan bakit sinasama sa NBP, dapat iba ang kanilang kulungan, isolated, walang contact,” dagdag ni Padilla.
Iginiit ni Padilla na mabuburyong ang mga bilanggo kung kulang ang tulog nila dahil sobrang siksik sila sa maliit na espasyo.
Aniya, ito ang dahilan ng adbokasiya niyang gawing regionalized ang NBP, para mas madali ang pagdalaw sa kanila ng mga mahal sa buhay.
“Noong ako ay nakakulong diyan, kalahati (ng bilanggo ay) nakatulog, kalahati ang nakaupo. Una ang matatanda at maysakit. Pagbukas ng selda, ang matutulog naman ang hindi natulog. Sa loob ng CR may natulog. ‘Yan ang No. 1 torture diyan. ‘Pag ‘di nakakatulog parang may tawag sa torture na yan, sleep deprivation. Yan kailangan maayos ang kanilang kulungan,” ayon pa sa senador.
Dagdag niya, ang mga hardcore criminal tulad ng drug lord ay dapat ikulong sa “isolated” area para hindi nila gawing alipores ang mga bilanggong may “petty” cases.
Samantala, hindi pa rin makapaniwala si Padilla ng ilang detalye ng salaysay ni Michael Catarroja kung paano siya tumakas sa NBP noong Hulyo.
Bagama’t hihintayin niya ang ulat ng BuCor at ng Senate Committee on Justice and Human Rights, “pambihira” ang mala-pelikulang pagtakas ni Catarroja.
“Ayokong pangunahan ang imbestigasyon, pero sa akin lang, hanggang sa oras na ito, isang mahiwagang pangyayari ang pagtakas ni Catarroja. Ako hanggang sa oras na ito di makapaniwala,” aniya.