HUMINGI ng paglilinaw si Sen. Pia S. Cayetano, Senior Vice Chair sa Finance, tungkol sa iba’t ibang isyung pangkalusugan habang pinangunahan niya ang hearing sa mga iminungkahing 2025 budget ng Department of Health (DOH) at mga kaakibat nitong ahensya at korporasyon ngayong Oktubre 8.
Hiningi ni Cayetano sa mga opisyal ng mga ahensiya na linawin ang ilang mga isyu, kabilang ang nakabinbing health emergency allowances para sa mga healthcare workers, mga pagkaantala sa pagpapatupad ng iba pang proyektong pang-imprastraktura sa kalusugan, mga update sa vaccination programs at reproductive health, at kakulangan sa healthcare workers, at paglipat ng pondo ng PhilHealth sa pambansang kabang-yaman.
Nagpahayag din ng pag-aalala si Cayetano tungkol sa pagkaantala sa ilang mga programang pangkalusugan, tulad ng Konsulta program ng PhilHealth, na nananatiling nasa partial implementation pa din makalipas ang ilang taon na.
Ang Konsulta ang Transitional benefit package ng PhilHealth para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan habang bumubuo pa sila ng kanilang komprehensibong outpatient benefit package, ayon sa iniutos ng Universal Health Care Act.
Nanawagan din ang Senador na suriin ang mga patakaran at case rates ng PhilHealth upang gawing mas makatotohanan at naaayon sa mga pangangailangan ng mga pasyenteng.
Napansin ng Senador na nananatiling pareho ang rates sa loob ng mahigit isang dekada, at binigyang-diin ang pangangailangan para sa mas masusing evidence-based methodologies upang i-adjust ang mga rates imbes na mauwi sa across-the-board na pagtataas.
Binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng pagsusulong ng mga inisyatibang ito, na may hangaring magbigay ng komprehensibong coverage sa pangangalagang pangkalusugan at pagbabawas ng gastusin ng mga pasyente.
Ipinahayag din ng senador ang kaniyang pag-aalala tungkol sa usapin ng paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa pambansang kabang-yaman, sa kabila ng mga nakaraang kahilingan ng ahensya para sa karagdagang pondo.
Nabanggit sa hearing na humingi ang PhilHealth ng malaking pagtaas ng budget mula sa Kongreso noong 2021 hanggang 2023 para sa kanilang benefit package sa ilalim ng Universal Health Care Act.
Sinabi ni Cayetano na nagulat siya na naglipat pa rin ang PhilHealth ng halos 89 bilyong piso na hindi nagamit na pondo sa pambansang kabang-yaman.
“It’s very, very confusing to me how that happened,” sabi ni Cayetano, na kinukwestiyon kung bakit hindi ginamit ang naturang pondo para palawakin ang mga benepisyong pangkalusugan gaya ng orihinal na layunin.
Sa pagtatapos ng mga talakayan sa budget, muling pinagtibay ng Senador ang kanyang pangako na pagbutihin ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng bansa. Hinimok niya ang mga kinauukulang ahensya na bigyang prayoridad ang mas sustainable at pangmatagalang mga inisyatiba upang protektahan ang kalusugan ng publiko.
“Our goal should be to create a healthcare system that not only treats illnesses but actively promotes wellness,” wika ng senador.