“HIHINTAYIN pa ba nating matulad tayo sa Turkey?”
Ito ang nanggagalaiting pahayag ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa gitna ng public hearing ng Senate Committee on Public Works, Martes ng hapon, February 14.
Sumentro ang pagdinig sa Senate Resolution No. 67 na matagal nang isinumite ni Revilla bago pa man naganap ang trahedya sa Turkiye at Syria na nagtulak sa national government at local government units (LGUs) na magsagawa ng agarang audit and review ng mga kasalukuyang gusali at imprastraktura sa ilalim ng kani-kanilang nasasakupan.
Kinastigo rin ni Revilla ang representante ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nang humarap sa komite nang hindi handa hinggil sa kalagayan ng infrastructure audit na noong nakaraang taon pa iniatas.
Si Revilla na pinangunahan ang Public Works Committee ay ipinatawag ang pagdinig upang alamin ang plano at updates mula sa DPWH at iba pang ahensiya na may kinalaman sa kahandaan sakaling may dumating na trahedya.
Sa gitna ng pagdinig, sinabi ni Revilla na ang National Building Code ay 50 taon na at hindi na akma sa malalakas na lindol na sinuportahan ng renowned architect at urban planner Felino Palafox, Jr. na nagsabi ring dapat nang palitan ang code na hindi na umano akma sa paglipas ng panahon.