IGINIIT na hindi nag-traydor sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ayon kay Senator Robinhood ‘Robin’ Padilla.
Ipinagtanggol ni Sen. Robin Padilla ang dating presidente na si Rodrigo Duterte.
Ito’y kaugnay sa mga usap-usapan o tsimis na may isang dating presidente ang nagtraydor sa bayan.
Sa plenaryo sa Senado araw ng Miyerkules, sinabi ni Padilla na si dating Pangulong Duterte ay hindi kailanman magiging traydor sa Inang Bayan.
Iginiit ito ni Sen. Padilla matapos pabulaanan ang paratang na ipinangako ni Duterte sa Tsina na aalisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
“Gusto ko lang pong ipaalam sa lahat na ang dating Pangulo, siya po ay nagtanggol ng ating soberenya. Hindi po kailanman siya magiging traydor,” ayon kay Sen. Robinhood Padilla.
Aniya, lumalabas sa mga nakaraang araw ang mga tsismis patungkol sa mga dating Pangulo na nag-traydor sa Pilipinas sa pamamagitan ng diumano’y pangako sa Tsina.
Matatandaan na nagsalita na si Sen. Jinggoy Estrada para pabulaanan na ang ama niyang si dating Pangulong Joseph Estrada, ang gumawa ng ganoong pangako.
Si dating Pangulong Gloria Arroyo naman ay ipinagtanggol ang sarili tungkol dito.
Iginiit na rin ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea na walang ginawang ganitong pangako si Duterte.
Ipinunto rin ni Padilla, hindi ibebenta ni Duterte ang Pilipinas, lalo na’t sa panahon niya nagkaroon ng maraming assets ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).
“Gusto ko lang po ipaalam sa lahat na ang ating dating Pangulo ay master sa geopolitics. At hindi po niya kailanman ibebenta ang Pilipinas. Katunayan sa panahon po niya nagkaroon tayo ng napakaraming assets po natin sa AFP maging sa himpapawid, karagatan, katihan, sa panahon po niya nagkaroon ng maraming assets ang Coast Guard,” dagdag ni Sen. Padilla.
Matapos magsalita ni Padilla ay tinangka ni Sen. Risa Hontiveros na magbigay rin ng kaniyang pahayag na may kaugnayan sa nasabing issue pero hindi natuloy.
Bago magsalita si Hontiveros ay nasingitan siya ni Sen. Pia Cayetano.
Pinaalalahanan ni Cayetano ang liderato ng Senado na may mga patakaran na sinusunod para makapagsalita sa plenaryo.
“Before I allow you to proceed Madaam Deputy Minority Leader, let me first recognize Sen. Pia Cayetano…” ani Sen. Juan Miguel Zubiri.
“Mr. President, I recognize the…. importance of this issue…. Session is suspended for 1 minute,” ani Sen. Pia Cayetano.