BINANGGIT ni Sen. Francis Tolentino ang kahalagahan ng papel ng National Security Council (NSC) sa paggawa ng mga matalinong desisyon upang pangalagaan ang pambansang interes at seguridad.
Ito ang kaniyang tugon nang tanungin ng media kung dapat bang hikayatin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tapatan ang agresyon ng Tsina sa South China Sea.
Sa pinakabagong kaganapan, noong Abril 30, binombahan ng water cannon ang China na nagdulot ng pinsala sa dalawang barko ng Pilipinas na nasa patrol sa pinag-aagawang teritoryo sa Scarborough Shoal.
“Siguro mag meeting ang National Security Council, pag-usapan ‘yung mga next steps kung ano ‘yung makabubuti sa bansa,” pahayag ni Sen. Francis Tolentino, Chair, Committee on Maritime and Admiralty Zones.
Pangunahing tungkulin ng NSC ay payuhan ang Pangulo hinggil sa integrasyon ng mga patakaran sa internal, dayuhan, at militar na may kaugnayan sa pambansang seguridad.
Ang Konseho ng NSC ay binubuo ng Pangulo at hindi bababa sa siyam na iba pa: Kabilang dito ang bise presidente; ang hepe ng AFP; Direktor ng NSC; ang Kalihim ng Tanggapan ng Pangulo; at ang mga Kalihim ng Foreign Affairs, Interior and Local Government, Justice, Labor and Employment.
Sa pagpapatibay sa komitment ng gobyernong sa mga diplomatikong at legal na paraan, kinikilala ni Sen. Tolentino, Chairman ng Senate Committee on Maritime and Admiralty Zone, ang posibilidad na kailangang tugunan ang mga lumalalang aksiyon ng pamahalaang Tsino.
“Tama lang ‘yun, ayaw natin ma-escalate pero baka dumating ‘yung yugto na kailangan na rin siguro tayong magpakita ng kakaibang kilos,” aniya.
Nang tanungin kung dapat ba nating tapatan ang pambobomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard, sinabi ni Sen. Tolentino na mayroon din tayong mga barkong may water cannon at kakayahang ipagtanggol ang sarili.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na anumang mga aksiyon na gagawin natin ay dapat aprubado ng Pangulo.
“Kasi ‘yung ginagawa ng China state action to eh. Hindi naman to reaction ng coast guard commander nila eh. So, may approval ito ng Southern Theater Command paakyat ito sa Minister of Defense, paakyat ito hanggang Beijing. So national policy nila ‘yun,” dagdag nito.
Sen. Tol pinangunahan ang pamimigay ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Isla Puting Bato, Maynila
Ginawa ni Sen. Francis Tolentino ang pagtugon sa isyu hinggil sa China matapos magbigay ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila na ginanap sa Delpan Sports Complex nitong Sabado ng umaga.
Namahagi si Tolentino ng 12 kilos ng bigas sa bawat 673 pamilyang na naroon. Nag-abot din siya ng wheelchair sa mga may kapansanan na kasama sa mga biktima ng sunog.