SA kaniyang courtesy call kay Senator Raffy Tulfo ay pinuri ni Singaporean Ambassador Contanve See ang kasipagan ng overseas filipino workers (OFWs) sa Singapore at pinasalamatan ang senador dahil sa malaking ambag nila sa ekonomiya ng kanilang bansa.
Ikinatuwa rin ni Sen. Idol nang malaman na mayroong ipinapatupad na Labor Management Framework sa Singapore kung saan regular na binibisita isa-isa ng labor officer nila doon ang migrant workers upang kumustahin at siguruhin na hindi minamaltrato ng kanilang mga amo.
Mas lalong nasiyahan si Sen. Tulfo nang sabihin ni Ambassador See na mayroon silang batas sa Singapore kung saan isa’t kalahati na higit kaysa sa regular na parusa ang ipinapataw sa sinumang nagmaltrato o lumabag sa karapatang pantao ng mga OFW at iba pang migrant worker doon.
Maliban dito, binanggit rin ni Ambassador See na required sa kanilang batas na isabak ang employer sa seminar at training bago mag-hire ng migrant workers.
Ito ang isang bagay na matagal nang itinutulak ni Sen. Tulfo na mangyari sa ibang lugar na tumatanggap ng OFWs tulad ng Middle East kung saan mataas ang record ng pang-aabuso sa manggagawang Pinoy.
Binigyang diin ni Sen. Tulfo na ang Singapore ay maituturing na model country na dapat pamarisan ng ibang bansa.