MANILA, Pilipinas – Ipinahayag ni Senator Cynthia Villar, Chairperson ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change, ang kanyang pagkalungkot sa pagkamatay ng apat na tripulante matapos lumubog ang MV Hong Hai 16 sa karagatan ng Occidental Mindoro.
“Ako’y nalulungkot sa pagkawala ng buhay ng ating mga kababayan. Ang aking taos-pusong pakikiramay sa mga naulilang pamilya,” ayon kay Villar.
Giit ng senadora, labis na nakakabahala ang insidente lalo na’t nangyari ito kahit walang masamang panahon. Aniya, kinakailangang imbestigahan ang kondisyon ng barko, ang kaligtasan ng operasyon nito, at kung paano binabantayan ang mga dredging activities sa ating mga karagatan.
“Bawat aksidente sa dagat ay may banta sa kalikasan, kabuhayan, at kaligtasan. Dapat nating tutukan ang posibilidad ng oil spill na maaaring makaapekto sa mga yamang-dagat, isda, at kabuhayan ng ating mga mangingisda. Ang karagatan sa Occidental Mindoro ay isa sa mga mahalagang lugar ng pangingisda na dapat nating pangalagaan,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Villar ang pag-uulit ng ganitong trahedya, na aniya’y alaala ng 2023 oil spill mula sa MT Princess Empress na nagdulot ng matinding pinsala sa marine ecosystems at kabuhayan sa ilang lalawigan. Binanggit din niya ang magkakasunod na paglubog ng M/T Terra Nova at MTKR Jason Bradley sa Bataan noong nakaraang taon, na parehong nagdulot ng oil spill at pinsala sa mga bahura, isda, at karagatan.
“Sa kaso ng Terra Nova, may seryosong alegasyon ng ‘paihi’ o ilegal na pagbebenta ng langis, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na resulta ng imbestigasyon,” ani Villar.
Nanawagan ang senadora ng mas mahigpit na regulasyon at seryosong pagbabantay upang matigil na ang sunod-sunod na insidente.
“Hindi natin maaaring hayaan na magpatuloy ang ganitong kapabayaan. Nasasayang ang ating mga pagsisikap na protektahan ang ating karagatan at masigurong may sapat na pagkain sa mga hapag ng bawat Pilipino. Kailangan ng mahigpit na regulasyon, seryosong pagbabantay, at tunay na pananagutan,”pagtatapos niya.