MARAMI ang naguguluhan sa mga naging hakbang ng Senado kahapon ukol sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. At kabilang na nga rito si dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo.
“Mukhang hindi niyo alam ang ginagawa ninyo, mawalang galang lang. Pati kayo, nagkakalituhan na diyan sa loob,” saad ni Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
Para kay dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, katawa-tawa ang naging hakbang ng Senado ukol sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito’y matapos bumoto nitong Martes ang 18 senador pabor sa pag-remand o pagpapabalik ng Articles of Impeachment sa Kamara habang lima ang hindi pumabor, at walang nag-abstain.
Ayon kay Panelo, kuwestiyonable ang legalidad ng Articles of Impeachment na isinumite ng Kamara sa Senado laban sa Pangalawang Pangulo kaya’t tila nagiging circus na ang Senado.
“Iyong Senado, nung ni–remand nila iyan, eh katawa–tawa sapagkat ni–remand nila, ibinalik, ibig sabihin, ‘pag binalik mo, wala kang complaint kasi binalik mo eh. Pero, at the same time, si Escudero, tsaka iyong mga senador, pumayag sila na magpadala ng writ of summons, ibig sabihin pinapasagot mo si Inday Sara sa demanda, eh wala nga iyong demanda eh. Ibinalik mo nga eh. So ano’ng pinapasagot mo?” giit ni Panelo.
Sinabi ni Panelo na ito ang problema kapag ang mga miyembro ng Senado o karamihan sa mga miyembro nito ay hindi mga abogado. Aniya, kung may sapat na kaalaman sa batas ang mga mambabatas, hindi sana umabot sa ganitong hakbang na taliwas umano sa legal na proseso.
Matatandaang nagbigay rin ng komento si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol dito at sinabi niyang naniniwala siyang magpapatuloy sa 20th Congress ang impeachment trial ni VP Sara dahil hindi umano ito matatapos bago magsara ang kasalukuyang Kongreso.
“Eh dapat si Presidente Marcos Jr., dahil hindi naman siya abogado, huwag na siyang bumigay ng kanyang mga opinyon sa punto legal,” aniya.
Samantala, nilinaw naman ni Panelo na hindi dahil bumoto ang 18 senador na ibalik sa Kamara ang impeachment complaint laban kay VP Sara ay ibig sabihin na kontra na sila sa impeachment.
Maaari aniyang sinasadya ng mga mambabatas na ipagpaliban muna ang impeachment trial para may publisidad pa rin silang magagamit bilang paghahanda sa 2028 elections.
“‘Pag na–dismiss ang impeachment complaint, wala na silang venue. Hindi na nila mapapakita ang kanilang mga kagalingan pagdating sa impeachment, mawawala na iyong daily coverage.”
“Kaya lahat sila o karamihan sa kanila ay huwag muna natin i–dismiss iyan, kailangan ituloy natin iyan. You’re depriving us of the opportunity to shine diyan sa impeachment court naman, kayo naman,” aniya pa.
Naniniwala rin si Panelo na matutuloy pa rin ang impeachment trial laban sa Pangalawang Pangulo. At kung hindi ito mangyayari sa kasalukuyang 19th Congress, maaari pa ring maghain ng panibagong impeachment complaint ang 20th Congress.
“Walang problema iyang pinagkakaguluhan na i–dismiss ngayon para sa 19th Congress? Eh ano kung i–dismiss? Eh i–refile niyo. I–file niyo sa susunod na 20th Congress,” aniya.
Sa huli, binigyang-diin ni Panelo na matuloy man o hindi ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, panalo pa rin ang bise.
“‘Pag, hindi mo tinuloy, panalo si Inday Sara, kasi ibig sabihin, pati mga senador, hindi naniniwala ang karamihan sa kanila at sumusunod din sila sa tinig ng taumbayan na ayaw nila ng impeachment. ‘Pag tinuloy mo naman, panalo rin siya diyan kasi, gaya ng sinabi natin, wala namang kabatay–batayan iyong mga demanda—iyong confidential funds, iyong grave threats, kung anu–ano pang mga, iyong corruption, wala lahat ebidensya iyan eh. Puro politika lang nga iyon eh,” giit pa nito.
Nakatakda sanang ipresenta ang Articles of Impeachment sa Senado ngayong Hunyo a-11, pero dahil nagdesisyon itong ibalik ang impeachment case sa Kamara, hindi na ito matutuloy.