PARA mapaigting ang paghahatid ng dekalidad na edukasyon pagdating sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) subjects, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagpapalawak sa Philippine Science High School (PSHS) System.
Sa Expanded Philippine Science High School System Act o Senate Bill No. 2974, kung saan kabilang ang senador sa may-akda ay nakasaad na isailalim ang PSHS System sa administrative supervision ng Department of Science and Technology.
Sa ilalim din ng panukalang batas, hindi lalagpas sa dalawang PSHS campus ang itatayo kada rehiyon maliban sa National Capital Region.
Batay sa report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM) II, mahigit limang libo at walong daan (5,807) na mga kwalipikadong mag-aaral ang hindi nakapag-aral sa PSHS System sa nagdaang tatlong taon dahil sa kakulangan ng slots.
Sa kasalukuyan, merong labing-anim na campus sa ilalim ng PSHS System. Sa ilalim ng panukalang batas, magiging scholar ang mga kwalipikadong mag-aaral mula Grade 7 hanggang Grade 12.