Senado, pinakikilos ang PNP para tutukan ang talamak na krimen sa Road 10 ng Maynila

Senado, pinakikilos ang PNP para tutukan ang talamak na krimen sa Road 10 ng Maynila

UMABOT na rin sa Senado ang isyu patungkol sa pinakanotoryus na kalsada sa Metro Manila, ang Mel Lopez Boulevard, o mas kilala bilang Road 10.

Ito ay isang anim na kilometrong, 6-lane highway na nagdudugtong ng Navotas at Manila Port Area.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, nagsumbong si National Bicycle Organization (NBO) Director at Founder Benedict Camara ukol sa kawalan ng police visibility sa Road 10 sa Tondo, Maynila, kahit na talamak ang mga nakawan at holdapan doon.

Ayon kay Camara, tatlong taon nang nangyayari ang panghoholdap at nakawan sa Road 10 tuwing gabi, ngunit wala pa ring mga pulis na nag-iikot sa lugar.

“Sa gabi doon sa Road 10, walang police presence. Wala. By sundown, wala,” ayon kay Benedict Camara Founder & Director, National Bicycle Organization.

“Bakit walang police presence? The fact na alam na ng lahat na ‘yung lugar na ‘yan ay kilabot, ‘di pa rin pinupuntahan ng mga police?” saad ni Sen. Raffy Tulfo.

Sinabi rin ni Camara na maging ang mga bakal na kinakabit sa lugar ay hindi nakaliligtas sa mga kawatan.

“I want to point out na pati ‘yung pedestrian infrastructure, floating pedestrian infrastructure ay floating overpass na po kasi sa gabi, kinutkot na ng mga criminals ‘yung bakal, kinakalakal. So kung pupunta kayo doon, wala na ‘yung first five steps or 20 steps. Pati ‘yung riles, nilagari na,” wika ni Camara.

Dahil dito, nasermonan ni Senate Committee on Public Services Chairperson Sen. Raffy Tulfo ang Philippine National Police (PNP) dahil sa kakulangan ng aksiyon.

Sinabi ni Tulfo na sa loob ng tatlong taon ng patuloy na nangyayaring nakawan at holdapan, posibleng hawak ng mga tiwaling pulis ang mga magnanakaw.

“Matagal na ‘yang 3 years. Baka ‘yung mga holdaper diyan ay bata-bata nila PO1, nila sarhento, nila major, et cetera. Hindi nga, sir, it’s just common sense. Sabi nga ni Sir from Tondo, ‘from sundown limpyo na ‘yung mga police, saka pasok na yung mga kriminal.’ Eh, 1 plus 1 nyo lang, sir, equals baka kasabwat ‘yung mga nagsisialisan na mga pulis at nagtatago na kung saan-saan,” sabi ni Tulfo.

Dahil dito, inatasan ni Tulfo si Police Brigadier General Reynaldo Pawid na magtayo ng container outpost sa lugar, maglagay ng police at mobile sa Road 10 upang maiwasan ang talamak na nakawan at panghoholdap.

“That’s why, para di kayo pagbintangan, do something about it. So, I want an outpost doon. Kung kailangan niyo ng pondo, kakausapin ko si Chief PNP, papopondohan natin para matigil na po. Police outpost, wag tanod,” ani Sen. Tulfo.

Nagbanta rin si Tulfo na kapag hindi ginawa ang outpost sa lugar ngayong linggo, ay babalik na siya kay General Pawid.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter