Posibleng ‘di kakayanin ng Senado na magsagawa ng Impeachment Trial laban kay Vice President Sara Duterte bago ang halalan sa 2025.
Ayon kay Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada, alanganin itong isagawa batay sa legislative calendar ng Senado at Kamara de Representantes.
Naka Schedule sa Dec 18 ang Christmas break ng dalawang kapulungan na magbabalik naman sa trabaho sa Jan. 13, ngunit muli na naman itong mag-break sa unang linggo ng Pebrero upang bigyang daan ang paghahanda ng mga kandidato sa nalalapit na halalan.
‘’We will adjourn on Dec. 18 we will resume on January 13. We will adjourn again on the first week of February,’’ ayon kay Sen. Jinggoy Estrada – President Pro Tempore.
Hindi rin naniniwala na magsasagawa ng special session ang dalawang kapulungan sapagkat ang pangulo ang nagpapatawag dito.
Nanawagan na rin kasi si Pangulong Bongbong Marcos sa Kamara na ‘wag nang ituloy ang impeachment kay VP Sara.
Kaugnay nito ay nilinaw naman ni Sen. Jinggoy na susundin pa rin niya ang sinabi ni Sen. Chiz Escudero na iwasan na magbigay ng komento dahil ang Senado ang tatayong korte at ang mga senador ang gaganap na hukom sa impeachment trial.
Pero kanya namang binigyan ng diin na tutol siya sa impeachment ng sino mang opisyal ng gobyerno dahil hindi ito nakabubuti sa bansa.
Matatandaan na ang ama ni Senador Jinggoy na si dating Pangulong Joseph Estrada ay sumalang din sa impeachment trial bago bumaba sa pwesto.
‘’I had a statement before that I am against any impeachment cases kasi it will divide our country furthermore. What happened when my Father was impeached gumanda ba ang buhay ng mga Pilipino? Wala naman. Nung natanggal yung matandang Marcos gumanda ba? Lalo nag worsen,’’ saad ni Sen. Jinggoy Estrada.