MANILA, Philippines — Muling pinatunayan ni Senator Christopher “Bong” Go ang patuloy na tiwala at suporta ng taumbayan matapos manguna sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa isang pahayag, taos-pusong nagpasalamat si Go sa mga Pilipinong patuloy na sumusuporta sa kanyang adbokasiya ng malasakit at tunay na serbisyo publiko.
“Maraming salamat pong muli sa ating mga kababayan para sa patuloy na tiwala at suporta,” ani Go. “Nakakawala po ng pagod ang inyong suporta sa aking pagseserbisyo saan mang bahagi ng bansa—Luzon, Visayas, at Mindanao.”
Binigyang-diin ni Go na ang kanyang tagumpay ay hindi para sa pansariling kapakinabangan kundi para sa patuloy na paglingkod lalo na sa mga mahihirap. Aniya, inspirasyon niya ang bawat Pilipino upang pag-ibayuhin pa ang kanyang trabaho at serbisyo.
“Makakaasa po kayo na uunahin ko palagi ang interes ng bayan at ang kapakanan ng mga kababayan nating mahihirap,” dagdag pa niya.
Bukod dito, ipinahayag din ni Go ang kanyang pasasalamat sa patuloy na suporta ng publiko sa grupong DuterTEN, na binubuo ng mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Aniya, layunin ng grupo na ipagpatuloy ang mga sinimulang reporma at programa ng dating Pangulo, kabilang na ang laban kontra droga, katiwalian, at ang pagpapalakas ng serbisyo publiko.
“Gusto ko rin pong magpasalamat sa suporta ninyo sa aking mga kapartido, ang DuterTEN, na katulad ko ay nais ipagpatuloy at ipaglaban ang mga magagandang nagawa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte,” ani Go.
Ang DuterTEN ay patuloy na inilalapit ang mga programa at serbisyong medikal sa mga nangangailangan, habang isinusulong ang sipag, malasakit, at serbisyo para sa kapakanan ng sambayanan.
Para kay Go, ang tunay na serbisyo ay hindi lamang trabaho kundi isang bokasyon—isang “bisyo” na aniya’y hindi niya kailanman iiwan.
“Bilang inyong Senador, patuloy po akong magseserbisyo sa ating kababayang Pilipino, dahil bisyo ko po ang magserbisyo at naniniwala po ako na ang serbisyo po sa tao ay serbisyo po ‘yan sa Diyos.”