PINAG-AARALAN ngayon ng Department of Health (DOH) ang pagpapataw ng buwis sa mga sweetened beverages at junk food products alinsunod sa implementasyon ng Universal Health Care Act.
Ito ay kasunod ng pagtaas ng bilang ng obesity problem sa bansa.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge, Undersecretary Maria Rosario Vergeire mula sa 31% noong taong 2015 ay umabot na sa 37% ang bilang ng obesity problem sa Pilipinas noong 2018.
Dahil dito ayon sa health official, maari na itong ituring na public health concern.
Partikular na gusto ng DOH na maiiwas sa obesity problem ang mga bata.
Ayon sa DOH, dahil sa pagpapataw ng sin tax sa mga sin products tulad ng sigarilyo ay bumababa ang smoking prevalence sa bansa.
Kaya positibo aniya ang ahensya na makatutulong din ito para mapababa ang obesity problem sa mga Pilipino.
Aniya ang sin taxes na galing sa alcohol, vape at tobacco products halimbawa ay makatutulong para makaiwas at makontrol ang mga lifestyle risk factors kagaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Ayon pa kay Vergeire, ang mga ito ang nagiging sanhi ng pagdami ng non-communicable diseases na dagdag-balakid sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na taong 2018 lamang nang patawan ng buwis ang mga sweetened beverages at kadalasan aniya na sa pagbubuwis tulad nito ay kailangan pa ng panahon para magkaroon ito ng epekto sa habit ng consumers.
Para aniya sa panukala na ito na kailangang isaalang-alang din ang mga magsasaka.
Dahil dito planong rebyuhin ng Ways and Means Committee ang implementasyon ng pagbubuwis sa mga naturang produkto at sa epekto nito sa kalusugan ng tao.
“The sugar sweetened beverage tax is only 4 years old (2018). Typically, it takes time for taxes like these to change the habit of the consumers. Moreover, we also need to make sure that the support, due to low consumption of sugar, are being given to our sugar farmers equitably. Having said that, the committee is scheduled to review implementation of sugar sweetened beverage tax and it’s effects to the health of our people,” ani Senator Sherwin Gatchalian.
Samantala ang mga maliliit na negosyante, agad na pumalag sa gustong mangyari ng DOH.
Sa oras aniya na muling magkakaroon ng panibagong buwis dito ay sila ang higit na maapektuhan.