NAGPAPASALAMAT si Senator Christopher Bong Go sa pangunguna sa survey para sa Vice-presidential race.
Sakabila ng pangunguna sa VP race sa isang survey, tiniyak ni Sen. Go na ang pokus nito ay magawa ang kaniyang tungkulin bilang public servant.
Sa pahayag ng quarter 3 survey ng Publicus Asia, nakakuha ng pinakamataas na rating si Senator Go para sa VP race, 23.6 percent na respondents ang nagsabi na ang senador ang gusto nilang maging bise presidente para sa 2022 elections.
Sumunod sa kaniya si Dr. Willie Ong na nakakuha ng 19 points, pumangatlo naman si Senate vice president Vicente “Tito” Sotto III na nakakuha naman ng 17.3 at Senator Francis “Kiko” Pangilinan na may 12.3 percent sa survey.
Ang survey ay ginawa mula October 11 hanggang 18.
Lumabas rin sa survey na si Sen. Go ang pinakapinagkakatiwalaang senador sa mataas na kapulungan ng kongreso.
Kung matatandaan si Go rin ang nakakuha ng pinaka mataas na trust rating sa senado sa survey ng Publicus noong buwan ng Hulyo.
Sakabila nagpapasalamat ang senador sa pangunguna sa survey ay sinabi nito na ang lider ay dapat manatiling nakapokus sa tungkulin bilang isang public servant kesa ang bantayan ang nalalapit na halalan.
Aniya ang mahalaga sa kaniya ngayon ay ang serbisyong naibibigay niya sa taumbayan.
‘’Maraming salamat po sa mga kapatid kong Pilipino sa inyong patuloy na pagtitiwala at pagsuporta sa amin ni Pangulong Duterte. Ngunit, ang importante po ngayon ay ang serbisyong ibinibigay natin sa taumbayan — kung paano natin sila maibabangon muli sa kahirapan, paano maiiwasan ang gutom, at paano maipagpapatuloy ang ating pag-unlad,’’ayon kay Senator Go.
Sakali namang mananalo sa pagkabise presidente ay pangako naman ni Go na hindi lamang siya magiging spare tire sa maihahalal na pangulo.
Ayon kay Go, ituturo niya ang mga natutunan niya mula kay Pangulong Duterte para mag tagumpay ang administrasyon.
“Ituturo ko po kung ano po ang natutunan ko kay Pangulong Duterte sa kanyang administrasyon ngayon. Tutulungan ko para maging successful dahil ito ang panahon ng pagtutulungan, ito po ang panahon ng pagkakaisa,”dagdag nito.
“Marami po ang nagugutom, marami ang nawawalan ng trabaho, so magtulungan po tayo. I will be a working public servant para sa ating mga kababayan,”ayon kay Go.
Tiniyak naman ni Go na maipagpapatuloy ang legasiya ni Pangulong Duterte tulad ng mga programa nito sa build build build, kampanya nito sa kriminalidad, korapsyon at illegal na droga.