INAMIN ni Senadora Imee Marcos na may nagbabadyang food shortage kung kaya’t mismong ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang umupo bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Senator Imee, nais ng Pangulo na matugunan ang banta sa kakulangan ng pagkain.
Kahit walang food shortage ay sinabi ni Senator Marcos na maaari naman na tumaas ang presyo sa merkado ng mga pangunahing bilihin tulad ng agricultural products.
“Ito yung kawani na magiging kritikal sa mga susunod na buwan dahil alam natin na magkukulang ang pagkain di lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Kung hindi man magkukulang ay napakataas naman ng presyo,” pahayag ng senadora.
Kabilang din aniya sa mga dahilan kung bakit umupo ang Pangulo bilang kalihim ng DA ay dahil sa talamak na katiwalian o agricultural smuggling na sangkot ang ilang opisyal ng kagawaran.
Tiwala naman si Imee na kayang kaya na masawata ang smuggling sa agricultural products dahil pangulo na mismo ang umupong kalihim ng kagawaran.
Dagdag pa ng senadora na dapat matakot naman sila dahil pangulo na mismo ng Pilipinas ang tumatayong kalihim ng kagawaran.
“I think there is a great human cry after the committee of the whole issue a report. I think that they need to have a thorough investigation not just on the legislative side, but more importantly to get the evidence from NICA, BOC, DA and all the agencies,” ani Imee.
Samantala, pinangunahan naman ni Senator Imee Marcos ang pamamahagi ng Assistance to Individual in Crisis Situation(AICS) sa mga residente ng District 1 and 2 sa Makati City.
Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng tig-P3,000 bilang ayuda ng kasalukuyang administrasyon sa mga mahihirap na sektor na pinadapa ng COVID-19.
“Lahat ng social protection ng ating gobyerno ay kailangan na kailangan ngayon pagkat nawalan ng trabaho, pahirapan ng ating negosyo at higit sa lahat ay nagtaasan ng presyo ng labis mula sa gasolina hanggang sa pagkain. Kaya’t kailangan talaga ng konting tulong kaya’t pagdamutan na lang itong AICS,” ani Marcos.