NANIWALA ang isang opisyal ng ruling party PDP-Laban na nag-traydor si Senator Manny Pacquiao sa partido.
Sa isang dokumento na ibinigay sa SMNI News, nakasulat sa minutes of meeting noong December 20, 2020 ng People’s Champ Movement ni Senator Manny Pacquiao ang deklarasyon ng partido para mag-apply bilang national political party.
Kasalukuyang isang regional political party ang People’s Champ Movement.
Number 1 sa listahan ng partido si Senator Pacquiao bilang kanilang pangulo.
Pero ayon kay Atty. Melvin Matibag, Secretary General ng PDP-Laban, malinaw na katrayduran ang ginawa ni Pacquiao.
“So nagpasa po sila ng resolution para i-convert sa National Political Party itong People’s Champ Movement na ngayon po ay pending sa 2nd division ng Comelec. This is a clear violation po ng constitution ng PDP-Laban and this is a clear disloyalty to the party,” pahayag ni Matibag.
Nauna nang tinanggal ng kampo ni Pacquiao sina Matibag at iba pang mga opisyal ng partido dahil rin sa isyu ng disloyalty.
Pero ayon kay Matibag, mas masahol pa ngayon ang ginawa ni Pacquiao dahil gusto nitong magkaroon ng sariling national political party habang miyembro ng PDP-Laban.
“Dahil pinagbibintangan po kami na we are trying to get a candidate outside of the PDP-Laban. Pero ito pong ginawa niya, mas malala po ito dahil nagtatayo ka po ng national political party na taliwas po sa paniniwala ng PDP-Laban,” ayon kay Matibag.
Pastor Apollo kay Pacquiao: sagutin mo ang isyu dahil naghihintay ng sagot ang taumbayan
Sa kanyang Powerline program, sinabi ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus of Christ na dapat sagutin ni Senator Pacquiao ang issue.
“Anong masasabi mo rito Manny Pacquiao? Senador? Sagutin mo ito, baka sabihin mo na naman na nanghuhusga na naman ang Pastor na ito, mangaral ka nalang si Jesus Christ hindi nanghuhusga,” pahayag ni Pastor Apollo.
Ayon kay Pastor Apollo, hihintayin ng taumbayan ang sagot dito ng senador.