Senatorial Campaign Tracker

Senatorial Campaign Tracker

Senatorial Campaign Tracker!

Tuloy-tuloy ang pag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa ng mga kandidato sa pagka-senador ngayong papalapit na midterm elections.

Mahigit 70 araw nalang bago ang halalan sa Mayo 12, ibinahagi ni Wilson Amad ang suporta mula sa kanyang mga kaibigang Muslim sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Nasa Balabac, Palawan si Roberto Ballon, kung saan nakasama niya ang mga taga-Sitio Maria Hangin sa patuloy nilang laban para sa kanilang karapatan sa isla.

Si Atty. Jimmy Bondoc naman ay bumisita sa alkalde ng Puerto Princesa City, Palawan para sa kanyang kampanya.

Nitong Lunes, nag-ikot sa Calamba, Cabuyao, at Los Baños, Laguna ang reelectionist na si Bong Revilla, Jr.

Samantala, sina 1-Rider Partylist Rep. Bonifacio Bosita, Ret. Col. Ariel Querubin, at Allen Capuyan naman ay lumahok sa isang media forum para ilahad ang kanilang mga isusulong sa Senado.

Sa Bohol, nagtungo si Sen. Pia Cayetano at nakakuha ng suporta mula sa mga lokal na opisyal sa lalawigan.

Ngayong Martes, sumabak sa isang radio interview si David D’Angelo upang ipaalam ang kanyang mga plataporma.

Sa Cebu City, nangampanya at nagbigay ng panayam sa isang local radio station si Angelo De Alban.

Dumalo sa ika-39 anibersaryo ng Ninoy Aquino Pilot Community sa Brgy. Manggahan, Pasig City sina Luke Espiritu at Ka Leody De Guzman.

Naging panauhin naman si Sen. Bong Go sa Provincial Congress ng Liga ng mga Barangay – Camarines Sur, na ginanap sa Heritage Hotel, Pasay City. Nakipagpulong din siya sa mga barangay official sa General Trias, Cavite sa isang team-building event doon.

Samantala, sa Botolan, Zambales, nakipag-dayalogo si Sen. Imee Marcos sa mga mango growers upang pag-usapan ang mga isyu sa sektor ng agrikultura.

Sa Cebu City, nakipagkita sa kanyang mga tagasuporta ang animal and human welfare advocate na si Norman.

Sa Muñoz, Quezon City, nangampanya nitong Lunes si Eric Martinez.

Sa Parañaque, nag-ikot si Willie Revillame kasama ang GP Partylist.

Dumalo naman si Sen. Francis Tolentino sa Bridging Action Towards an Integrated Drug Prevention for a Drug-Free (BATID) General Trias Seminar, kung saan ipinaabot niya ang suporta sa kampanya laban sa droga.

Kasama ang grupong Manibela, nagsagawa ng kilos-protesta sa EDSA Shrine si Mar Valbuena ngayong Martes bilang paggunita sa EDSA People Power Revolution. Bitbit rin nila ang panawagan laban sa jeepney phaseout.

At ‘yan ang mga pinakahuling kaganapan sa nagpapatuloy na campaign period para sa darating na halalan sa Mayo.

Patuloy nating subaybayan ang kanilang mga hakbang, plataporma, at paninindigan para mas maging matalino at mapanuri tayo sa ating pagpili ng mga susunod na magiging senador.

Para sa mas marami pang updates, manatiling nakatutok dito lamang sa SMNI.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble