DUMAGSA ang libu-libong job applicants sa Labor Day Job Fair na inorganisa ng Quezon City Government.
Hudyat ito ng patuloy na paghahangad ng mga Pilipino ng disenteng kabuhayan sa gitna ng matinding kompetisyon sa merkado.
Higit 11 libong trabaho ang inialok mula sa mahigit 100 pribadong kompanya at government agencies.
Kabilang sa mga matiyagang pumila at nagbabakasakaling makakuha ng trabaho ay ang 66-anyos na si Aling Baby.
Para kay Aling Baby, walang trabahong maliit basta’t marangal. Aniya, anumang trabaho ay tatanggapin niya dahil ang mahalaga, may pagkukunan ng kabuhayan at hindi aasa sa iba.
“Nag-try lang ako syempre. Kailangang kumita kasi mahirap manghingi. Di ba? Mahirap ang buhay. Malakas pa naman ako eh. Kayang kaya pa.”
“Sana nga ang katulad naming senior ay mabigyan ng pagkakataon, nakakapaghanapbuhay para hindi kami nanghihingi. Hindi kami umaasa,” wika ni Baby Baisa, Job Applicant.
Ayon sa Department of Labor and Employment–Quezon City Field Office, sinisiguro nila na walang diskriminasyon sa bawat job fair na kanilang isinasagawa lalo na para sa mga senior citizen, PWD, at iba pang sektor.
“Hindi po namin kasi hinahayaan na may discrimination pagdating sa ganoong sectors po.”
“’Yung discrimination sana maiwasan natin. Tingnan natin kung ano ‘yung skills and capabilities na kayang i-offer or i-contribute nung job seekers natin para sa organization and company,” ani Christopher Gregorio, Labor and Employment Officer II, DOLE–Quezon City.
Ayon naman sa Public Employment Service Office ng QC LGU, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga pribadong kompanya at establisyimento upang mas mabigyan ng oportunidad ang mga senior citizen, PWD, at iba pang sektor.
“Sa atin pong lungsod isa po sa inisyatiba natin is mabigyan po ng pagkakataon at opportunity ‘yung senior citizens at PWDs. We are in dialogue po in different companies na magkaroon po ng opportunities for them,” wika ni Rhye Labrador, Senior Labor and Employment Officer, Public Employment Service Office–Quezon City.
Ayon sa PESO, ilang fast food chains at malls sa Quezon City ang kasalukuyang tumatanggap ng mga senior citizens at PWD bilang bahagi ng kanilang job openings.
Patunay ito na unti-unti nang nabubuksan ang mas inklusibong oportunidad sa hanapbuhay para sa lahat ng sektor.