Seo In Guk itinalaga bilang PH Tourism Ambassador para sa South Korea

Seo In Guk itinalaga bilang PH Tourism Ambassador para sa South Korea

TARGET ng Department of Tourism (DOT) na palakasin ang turismo ng bansa sa South Korean market sa pamamagitan ng pagtalaga kay Seo In Guk bilang bagong tourism ambassador.

Sa isang espesyal na seremonya, pinangunahan ni Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco at ng Tourism Promotions Board ang opisyal na paggawad ng titulo sa Korean actor at singer.

Ayon kay Frasco, personal na inirekomenda ng Philippine Embassy in South Korea si Seo In Guk para sa tungkuling ito dahil sa kaniyang kasikatan at pagmamahal sa Pilipinas.

Bilang tourism ambassador, si Seo In Guk ang magiging mukha ng mga promotional campaigns ng DOT, kung saan itatampok ang magagandang tanawin, masasarap na pagkain, at mayamang kultura ng bansa.

Sa kaniyang unang pagbisita sa Pilipinas, labis siyang namangha sa kagandahan ng bansa at sa mainit na pagtanggap ng mga Pilipino, lalo na sa Cebu. Bukod dito, isa sa hindi niya malilimutang karanasan ay ang pagkain ng lechon habang kinakantahan ng mga Pilipino.

Ang partnership ng DOT at Seo In Guk bilang tourism ambassador ay tatagal ng isang taon.

Ayon sa DOT, patok na patok sa mga South Korean ang beaches, diving, golf tourism, at eco-tourism sa Pilipinas—at sa tulong ni Seo In Guk, inaasahang mas marami pang turista ang mahihikayat na bumisita sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble