MAGPAPAHINGA muna mula sa kanilang group activities si Seungkwan, ang main vocalist ng K-pop boy group na Seventeen.
Sa anunsiyo ng Pledis Entertainment, ang talent agency ng grupo, bumisita kamakailan sa ospital si Seungkwan dahil sumama ang pakiramdam nito.
Doon na nagbigay ng advise ang medical staff na dapat magpahinga ang singer at hayaang maka-recover ang sarili.
Sa panig ni Seungkwan, nais niyang ipagpatuloy ang group activities sa kabila ng sitwasyon subalit sinabi na ng Pledis na ipagpaliban na muna ang pagsali dito.
Hindi na makakasama si Seungkwan sa Tencent Music Entertainment Award 2023 dahil dito maging sa fan-signing event ng Seventeen sa China at ang tour ng kanilang grupo na “Follow” to Seoul.