NAGLABAS na ng show cause order ang Commission on Higher Education (CHED) laban sa Bestlink College of the Philippines, Quezon City kasunod ng nangyaring ‘di awtorisadong off-campus activity nito sa isang resort sa Bataan para ipagdiwang ang anibersaryo ng eskwelahan.
Ayon kay CHED Secretary Prospero de Vera III, may malinaw na paglabag ang paaralan sa ilalim ng CHED Memorandum Order No. 9, Series of 2013 o Enhanced Policies and Guidelines on Student Affairs and Services na inamyendahan noong 2017.
Napag-alaman na walang koordinasyon sa CHED ang field trip ng Bestlink.
Matatandaang ang nasabing off-campus o field trip ng paaralan ay nagdulot ng trauma sa maraming dumalong estudyante matapos pahirapan ang mga ito sa pagsakay sa bus hanggang sa kawalan ng malinaw na koordinasyon sa resort, limitadong pagkain, at inumin.
Hindi rin nasunod ang oras ng pag-uwi ng mga estudyante sa kanilang mga tahanan taliwas sa pinirmahan nilang consent.
Ito na ang ikalawang beses na nagsagawa ng field trip ang Bestlink na walang paalam sa CHED kung saan 15 estuduyante ang nasawi at 40 naman ang sugatan nang mauwi sa disgrasya ang lakad ng mga ito sa probinsiya ng Rizal.
Inatasan din ng CHED ang tanggapan ng Executive Director at Legal Services nito para magsagawa pa ng malalimang imbestigasyon sa panibagong insidente.
Follow SMNI News on Rumble