PATULOY pa ring kumikilos pahilaga hilagang kanluran ang Bagyong “Dante” sa coastal waters ng kanluran ng Pangasinan.
Sa 8AM bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 145 kilometro kanluran hilagang-kanluran ng Dagupan City, Pangasinan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pabugsong umaabot sa 90 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo pahilaga hilagang-kanluran sa bilis na 35 kilometro kada oras.
Nakataas pa rin ang Signal Number 2 sa western portion ng Pangasinan.
Habang Signal Number 1 sa central portion ng Pangasinan, northwestern portion ng Tarlac, at northern portion ng Zambales.
Sa forecast, hihina na ang bagyo sa tropical depression sa loob ng 12 oras at magiging Low Pressure Area na lamang sa Sabado.
Samantala, balik na ngayong araw ang operasyon ng mga pantalan sa Batangas at Matnog sa Sorsogon.
Dagsa na ang mga pasahero at cargo trucks sa mga pantalan ng nasabing mga lugar.
Ayon kay Joselito Sinocruz, port manager ng Port Management Office ng Batangas Port, kaninang alas-6:10 ng umaga umabot na sa mahigit 200 ang mga pasaherong dumagsa para makasakay ng barko.
Habang alas-8 kaninang umaga umabot na sa 100 units ng mga truck ang dumagsa sa Matnog Port.
Matatandaang pansamantalang sinuspinde ng Philippine Coast Guard (PCG) ang biyahe ng mga barko dahil sa Bagyong Dante.
(BASAHIN: Mga nasawi dahil sa Bagyong Dante, pumalo na sa 3)