MAAARING bumaba ang singil sa kuryente ngayong buwan sa kabila ng matinding init ng panahon ayon sa Meralco.
Sinabi ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, ang transmission costs o ang bayad para sa pagdadala ng kuryente mula sa mga planta papunta sa mga distribution system ay maaaring bumaba dahil na rin sa pagbaba ng presyo nito sa reserve market.
Ang reserve market ay ang lugar ng kalakalan para sa ancillary services na nagtitiyak ng katatagan ng power grid kapag may hindi balanseng suplay at demand.
Maliban dito ay posible ring bumaba ang generation charges o ang halaga ng kuryente na binibili mula sa mga energy supplier kasunod ng pagbaba ng presyo sa spot market para sa suplay noong Abril.