Singil sa kuryente sa Meralco, tataas pa ngayong Pebrero

Singil sa kuryente sa Meralco, tataas pa ngayong Pebrero

TATAAS pa ang singil sa kuryente ng Meralco ngayong Pebrero bunsod ng pagsipa ng generation charge dahil sa mas mataas na singil ng mga Power Supply Agreement at mga Independent Power Producer.

Imbes na refrigerator ang gamit ni Aling Shirley para palamigin ang tinda niyang softdrinks at tubig, ay yelo o ice na lang ang kaniyang ginagamit.

Sa taas nga naman aniya kasi ng singil sa kuryente na sinabayan pa ng napakamahal na mga bilihin, dapat wais kang mag-budget at marunong ding gumamit ng appliances.

“Kasi mas matipid ‘pag yelo. ‘Pag kuryente kasi, ginamit mo sa soft drinks, bibili, bukas-sara, bukas-sara, malakas ang kuryente. At tsaka nakakatipid kami kapag sa yelo lang. Kasi kapag iyang yelo matunaw, malamig pa rin yung tubig,” ayon kay Shirley Saez, Consumer.

Mula sa dating P3-K ay nasa P1,5-K na lang ang ibinabayad ni Aling Shirley sa kuryente dahil sa paggamit ng yelo.

Pero mukhang kinakailangan pang doblehin ng mga consumer gaya ni Aling Shirley ang pagtitipid sa mga susunod na araw. Muli na naman kasing tataas ang singil sa kuryente ngayong Pebrero, sabi ng Meralco.

May dagdag-singil ang Meralco na P0.57 kada kWh. Katumbas ‘yan ng P115 para sa mga komukonsumo ng 200 kWh hanggang P287 para sa mga komukonsumo ng 500 kWh

Ang dagdag-singil ay bunsod ng pagsipa ng generation charge dahil sa mas mataas na singil mula sa mga Power Supply Agreement at mga Independent Power Producer.

“Charges on the IPPs increase by P1.48 per kWh due to higher fuel costs of the First-Gas Sta Rita and San Lorenzo Power Plants mainly resulting from the increased use of imported liquefied natural gas or LNG which is 35 to 40% more expensive than the Malampaya Gas,” ayon kay Joe Zaldarriaga, Spokesperson, Meralco.

Nagmahal din ang presyo ng Malampaya Gas sa ilalim ng bagong Gas Supply and Purchase Agreement.

Ang pagtaas ng transmission charge at panunumbalik ng paniningil ng Feed in Tariff Allowance alinsunod sa direktiba ng Energy Regulatory Commission ay isa rin sa dahilan para tumaas ang singil ngayong Pebrero.

“Itong Feed in Tariff Allowance, ambag ambag natin. All consumers nationwide contribute to this fund,” ayon kay Lawrence Fernandez, Head, Utility Economics-Meralco.

Yun ang ginagamit na pambayad sa mga renewable energy plants. I think the fund natin, naipon ‘yung fund na ‘yun, kaya pinahinto muna ng ERC ang pag-collect ng FIT-All, mukhang mauubos na ‘yung fund na ‘yun kaya pina-resume na uli,” dagdag pa nito.

Malalaking kompanya sa NCR, hinikayat na lumahok sa Interruptible Load Program bilang paghahanda sa tag-init

Samantala, bilang paghahanda sa epekto ng El Niño, nanawagan ang Meralco sa mga malalaking kompanya, lalo na ‘yung malaki ang konsumo sa kuryente, na lumahok sa Interruptible Load Program ng pamahalaan.

Ito ayon sa kompanya ay para matiyak na mayroong sapat na suplay ng kuryente sa darating na tag-init kung saan inaasahang tataas ang demand o paggamit ng kuryente.

Hihikayatin ng nasabing programa ang mga kompanya na gamitin ang kanilang mga generator set sa tuwing may insidente ng Red Alert.

“Sakali man may mga plantang ma-offline o aberyang hindi inaasahan itong programang itong tulad nga nabanggit ko kanina ay mayroong kakayahan na at least ay mayroong 500 megawatts na deloading capacity. Halos katumbas na rin iyan ng isang planta ng kuryente,” ani Joe Zaldarriaga, Spokesperson, Meralco.

Sa ngayon ay nasa higit 100 kompanya na ang lumahok sa nasabing Interruptible Load Program.

Simula nang ipatupad ang nasabing programa noong 2014 ay umabot sa 1.8 milyong pamilya ang naibsan ang problema sa serbisyo ng kuryente sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Meralco.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble