Isinailalim na sa State of Calamity ang Isla ng Siquijor nitong Hunyo 5 dahil sa patuloy na nararanasang krisis sa suplay ng kuryente na labis nang nakaaapekto sa mga residente ng lugar sa pang-araw-araw nilang pamumuhay.
Sa loob ng isang buwan, aabot lang sa dalawa hanggang tatlong oras ang suplay ng kuryente kada araw kung saan mas mahaba pa ang oras na walang kuryente na aabot sa anim hanggang labing dalawang oras.
Dahil dito, ang suplay ng tubig ay apektado na rin, gayundin ang kalidad sa hanap buhay ng komunidad at seguridad ng lugar, lalo na sa gabi.
Inirereklamo rin ng mga residente ang pagtaas ng kanilang mga bayarin sa kuryente sa kabila ng nararanasang blackout.
Ayon kay Gov. Jake Villa, idineklara ang state of calamity sa isla para makapagpalabas ng pondo na nagkakahalaga ng labing apat na milyong piso. Maaari nitong tugunan ang hirap na dulot ng kawalan ng kuryente.
Gagamitin ang pondo para sa aarkelahan na dalawang generator mula sa Cebu na may kapasidad para mag-supply ng kuryente sa lalawigan.
Nagmula ang power crisis sa lugar nang masira ang tatlo sa anim na generator ng Siquijor Island Power Corporation o SIPCOR na siyang power provider ng Province of Siquijor Electric Cooperative.
Aalisin lang ang state of calamity sa isla sa panahong maayos na muli ang supply ng kuryente.