NANINIWALA si UST head coach Pido Jarencio na hindi outdated ang sistema ng basketball sa Pilipinas.
Dagdag pa ng dating PBA player, panahon sa preparasyon ang nakikitang hamon sa Gilas Pilipinas.
“Marami tayong tatalunin, pwedeng-pwede tayo lumaban kahit kanino, kahit anong itakbo nating sistema hindi tayo outdated for me,” ayon kay Pido Jarencio, head coach, UST, former PBA coach.
Ito ang binigyang-diin ni University of Sto. Tomas (UST) Growling Tigers Head Coach Pido Jarencio sa naging panayam ng SMNI News, araw ng Miyerkules Agosto 30, 2023.
Ang nasabing pahayag ni Coach Pido ay kasunod ng sunod-sunod na naranasang pagkatalo ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup.
Ayon pa sa coach, hindi siya naniniwalang napag-iiwanan na ang sistema ng laro ng Philippine Basketball.
Inihalimbawa pa nito ang koponan ng France na kung saan mayroong malalakas na players mula sa NBA at European system ang takbo ng laro ay nakalasap din ng pagkatalo at hindi nakausad sa next round.
Aniya kulang lang tayo sa preparasyon at commitment pagdating sa pagbuo at pagsasanay ng team na sasabak sa international games.
“Hindi lang tayo buo kulang lang sa preparasyon sa commitment ng ibang taong nanjan na involve kasi kung iisipin mo bakit ang France, anong ranking ng France? Na out sila, madaming NBA players na out sila sa next round, di ba sabi nga ‘nung isang player si Batum sabi niya I am ashamed, nahihiya siya pero ang sistema nila European system ang gamit nila” dagdag ni Coach Pido.
Ayon sa dating PBA player, natalo man ang koponan ng bansa ay hindi maitatagong maganda ang ipinakitang laro ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup.
“We did fair naman sa World Cup kasi World Cup stage na ‘yan eh, iba na ‘yan, nasa mataas na level na ‘yan ng basketball competition ‘yan,” ayon pa kay Coach Pido.
Para naman kay Alfonso “Achit” Kaw, co-sponsor ng UST men’s basketball at kilala na matagal na ring sumusuporta sa mga atleta, bilang isang basketball loving country na bansa, isang karangalan ang maipresenta ang Pilipinas at makapaglaro sa international stage.
“The Philippines can be considered the basketball capital of the world. For anyone to be chosen to represent the Philippine team in basketball is an honor in and on itself. I’m so proud of our country for being able to compete in the international stage” saad ni Alfonso “Achit” Kaw, co-sponsor, UST men’s basketball.
Ngunit ang problema lang aniya sa koponan ng ating bansa ay ang kakulangan ng long term vision sa paghubog ng mga talent.
“However, in my opinion, the problem with Philippine Basketball is that for the most part we don’t have a long term vision in developing our own homegrown talents,” dagdag ni Kaw.
Dagdag pa ni Coach Pido, naiintindihan niya ang damdamin ng maraming Pilipino matapos ang masaklap na pagkatalo, aniya indikasyon lamang ito ng pagmamahal ng mga Pilipino sa larong basketball.
Kaya naman sinabi nito na huwag nang maghilaan pababa bagkus magkaisa, magtiwala at suportahan nalang ang pambansang koponan.
“Tapos tayo naman, ako part ako ‘nun na mga basketball fan nanonood tayo ‘wag na natin hatakin pababa ‘yung mga kasama natin kundi i-push natin mag support tayo, mag cheer tayo. Ngayon pag hindi magandang resulta e ‘di hanap tayo ulit, prepare tayo ulit, ganun lang kasimple” ani Coach Pido.
Samantala natutuwa rin si Coach Pido sa reaction ng mga netizen na binabanggit si Pastor Apollo C. Quiboloy na nais isama sa koponan ng Gilas.
Aniya, magsilbi sanang itong wake-up call sa mga namamahala at bumubuo sa national team na maghanda.
“Nakakatuwa kasi nga may mga binabanggit na mga tao na baka makatulong, ibig sabihin ng mga tao ginigising lang ang national team natin na hoy mag prepara tayo nang husto, humanap kayo ng player na makapag-commit sa atin, ‘yung tumitira sa labas ‘yung shooter kasi kahit si Pastor Quiboloy isinama” ani Coach Pido.
Sa huli pinasalamatan ni Coach Pido si Pastor Apollo dahil sa pagpapadala ng news team sa UST at niyaya ang butihing Pastor na maglaro kasama ang kanilang koponan.
“Hi Pastor Quiboloy, maraming-maraming salamat po sa suporta at pagdala nyo sa SMNI crew dito sa UST. Sana po minsan ay makapaglaro tayo dahil napapanood ko po kayo, napakagaling nyo po mag shoot sa three points, sana ay maglalaro tayo kasama ko po si Sir Achit Kaw,” ani Coach Pido.