NANANAWAGAN sa pamahalaan ang isang grupo ng Filipino Chinese community at humiling na huwag masyadong higpitan ang mga visa requirement ng mga Chinese national na nais magtungo sa Pilipinas.
Iginiit ni Teresita Ang-See na hindi makatarungan ang ginagawang paghihigpit ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Chinese na nais pumasok dito sa bansa.
Marami na aniya siyang natatanggap na reklamo mula sa Chinese community na nakaranas umano ng panggigipit na tila ayaw ng papasukin sa Pilipinas.
Dahil diyan ay nagbabala siya na posibleng maapektuhan ang tourist arrival ng Pilipinas lalo pa at malaking bilang ng mga Chinese ang nagtutungo rito sa bansa at marami rin aniyang Chinese investors ang umaatras na mag negosyo sa bansa dahil sa paghihigpit sa kanila na makapasok dito sa bansa.