PINAALALAHANAN ng Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng kandidato ng 2025 midterm elections na magsumite na ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) bago o sa Hunyo 11.
Ito’y kahit panalo o natalo sa nagdaang halalan.
Tanging exempted sa SOCE ang mga kandidatong umatras sa kanilang kandidatura bago magsimula ang opisyal na panahon ng kampanya.
Para sa national candidates, nagsimula ang opisyal na pangangampanya noong February 11 habang sa local candidates ay noong Marso 28.
Binigyang-diin din ng COMELEC na hindi ito maaaring palawigin dahil nakaayon ito sa batas.
Dagdag pa ng COMELEC, hindi tinatanggap ang pagsusumite ng SOCE sa pamamagitan ng email o registered mail dahil kinakailangan ang pisikal na beripikasyon ng mga orihinal na dokumento, pirma at resibo.
Maaaring maharap sa seryosong parusa ang hindi pagsusumite ng SOCE lalo na para sa mga nanalong kandidato.