BILANG pakikiisa sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr ay isang kilos suporta ang isasagawa ngayong araw.
Sarado sa mga motorista ang isang bahagi ng Batasan Road ngayong araw sa harap ng Pres. Corazon C. Aquino Elem. School para sa isasagawang watch party at street concert.
Ang ‘SONA All: Kilos Suporta para sa Pagbangon at Pagkakaisa’ concert ay gaganapin sa IBP Road na malapit sa Batasan Pambansa Complex mamayang ala-una ng hapon.
Ayon kay Anakalusugan Rep. at Malayang Quezon City Chairperson Mike Defensor, organizer ng SONA All na bukas ang event sa lahat ng mga tagasuporta ni Pangulong Marcos, Jr.
Inaasahan nina Defensor na dadagsain ito ng libu-libong taga-suporta ng Pangulo.
Nagtayo ng LED screens sa mga strategic areas malapit sa President Corazon Aquino Elementary School sa Batasan Road para sa nasabing concert.
Tampok sa SONA All concert ang mga banda at entertainers na Repakol, Inner Voices, Arriba, Plethora, at iba pang kilalang personalidad.
Una nang tiniyak ng organizer ng concert ang permit mula sa Quezon City government na gamitin ang bahagi ng Batasan Road para sa nasabing event.