DAHIL sa magkakasunod na trahedya sa kalsada, posibleng ipatatupad ang speed limit sa bawat kalsada sa Baguio City para maiwasang madagdagan pa ang kaso ng disgrasya lalo na sa mga accident prone area ng siyudad.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, magpapatawag ito ng pagpupulong sa mga concerned office para tugunan ang nakaaalarmang pagtaas sa nasabing kaso.
Sa datos, mula buwan ng Enero hanggang nitong Mayo, umabot na sa halos 400 ang naitalang disgrasya sa siyudad na ikinasawi ng walong indibidwal habang nasa 60 katao naman ang sugatan.
Sa 375 kaso, 350 rito ay dahil sa human error habang ang iba ay dahil sa depekto sa makina at hindi magandang kondisyon ng kalsada.
Nito lamang nakaraang araw, tatlong katao ang nasawi matapos mawalan ng preno ang isang truck sa Bokawkan Road, at bumangga pa sa apat na sasakyan.
Iminungkahi rin ni Magalong sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transportation Office na magkaroon ng mga seminar at orientation para sa ligtas na pagmamaneho.