KASUNOD ng kaniyang matagumpay na pamumuno bilang pangulo ng 78th World Health Assembly sa Geneva, Switzerland, tiniyak ni Health Secretary Ted Herbosa na palalakasin ng Department of Health (DOH) ang pagbabakuna bilang tugon sa patuloy na banta ng tigdas sa bansa.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, umabot na sa 2,118 ang kaso ng measles-rubella sa Pilipinas—katumbas ng 8% pagtaas kumpara noong nakaraang taon.
Pinakamataas ang kaso sa National Capital Region (NCR), sinundan ng CALABARZON, MIMAROPA, Central Luzon, at Zamboanga Peninsula.
Sa kabila nito, magandang balita rin dahil sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), bumaba ang kaso ng tigdas mula sa mahigit isang libo noong 2024, nasa 121 na lamang ngayong taon—bunga ng Measles Outbreak Response Immunization na nakapagbakuna ng mahigit 1.2 milyong katao.
Gayunman, nananatiling mababa ang bilang ng mga batang nababakunahan sa bansa. Ayon sa DOH, 64.85% lamang ang mga batang Pilipinong nakatanggap ng kompletong bakuna noong 2024—malayo sa target na 95%.
Kaya naman pinalalakas ngayon ng ahensiya ang mga programang Catch-up at School-Based Vaccination.
Sa NCR, mahigit 1.7 milyong katao na ang nabakunahan sa Big Catch-up campaign.
Samantala, umabot naman sa 3.8 milyong estudyante sa buong bansa ang nabigyan ng bakuna sa ilalim ng School-Based Immunization Program at inaasahang magpapatuloy pa ito sa iba’t ibang rehiyon ngayong 2025.
