NAGPALIWANAG ngayon ang Social Security System (SSS) kung bakit hindi na maaaring ipagpaliban pa ang nakaambang contribution hike sa darating na Enero.
Ayon kay SSS President at CEO Michael Regino, ito ay alinsunod na rin sa Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018 na magkaroon ng dagdag kontribusyon o katumbas ng 14% pagtuntong ng 2023.
At dahil nakapaloob ito sa batas, ang tanging paraan lang para maipatigil ito ay sa pamamagitan ng pag-amyenda sa batas.
Aniya, kinakailangan talagang ipatupad ang pagtaas ng kontribusyon para pahabain ang fund life ng SSS hanggang 2054.
Sa tulong din aniya nito ay masisiguro ang mas mataas na benepisyo sa milyun milyong miyembro at pensioners nito.
Kaugnay nito, muli namang nilinaw ng SSS na walang dapat ipag-alala ang mga manggagawa dahil employers lamang ang sasalo ng 1% hike sa kontribusyon.
Matatandaang, tinutulan ng grupong Employer’s Confederation of the Philippines dahil wrong timing ang contribution hike ng SSS.
Anila, bumabawi pa umano ang mga negosyante mula sa matinding lockdown noon bunsod ng COVID-19 pandemic.
Pero, para sa SSS, ipinipatupad lamang ito para na rin kinabukasan ng mga miyembro ng SSS, gaya na lamang ng mga iba’t ibang benepisyo.