Standby funds ng DSWD para sa mga kalamidad, higit P1.8-B pa

Standby funds ng DSWD para sa mga kalamidad, higit P1.8-B pa

TINIYAK ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sapat ang kanilang relief goods para sa mga pamilya na apektado ng Bagyong Goring.

Sa katunayan, mahigit P1.8-B pa ang nakahandang standby na pondo ng DSWD na pantugon sa mga kalamidad sa bansa.

Ayon sa ahensiya, sapat ang tulong na ito para makapag-abot ng tulong sa mga pamilyang naaapektuhan.

“So far ang DSWD ay masasabi natin na ready dahil ‘yung atin naman pong sabihin na standby fund ay nasa P1.8 bilyon pa po. P140 milyon diyan ay Quick Respond Fund natin habang P1.7 bilyon ang cost ng ating stock fund,” ayon kay Asec. Rommel Lopez, Spokesperson, DSWD.

Sa pinakahuling datos ng DSWD, umabot na sa higit 2,000 pamilya o katumbas ng higit 8,000 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo.

Aabot sa 78 na mga barangay ang naitalang apektado mula ito sa iba’t ibang lugar sa Regions 1, 2 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Iniulat din ng ahensiya na dumating na sa Infanta, Quezon ang dalawa pang wing van trucks na puno ng 3,000 family food packs.

Bahagi rin ito ng tuluy-tuloy na augmentation support ng mga local government units (LGUs) at ahensiya.

Pagtiyak pa ng ahensiya na may tatlo pang trucks ang papunta sa lalawigan upang maghatid pa ng karagdagang family food packs (FFPs) para makumpleto ang kabuuang 10,000 para sa munisipalidad.

Habang inapura na rin ng DSWD ang pamamahagi ng mga food packs sa mga pamilya sa Cagayan Valley at Isabela.

Kaya naman, nakapag-abot na sa 70,000 FFPs ang kailangan para sa mga taga-Cagayan Regional Office.

Mula sa bilang na ito, 41,480 ang nakapreposisyon na sa iba’t ibang lokal na pamahalaan bago pa aniya tumama ang Bagyong Goring.

Habang 30,074 FFPs ang handa na ring i-deploy mula sa limang warehouses ng ahensiya.

Samantala, nakapaghatid na rin ng humanitarian assistance ang ahensiya sa mga pamilyang mawalan ng tirahan.

“So far, ‘yung ating damaged houses ay 3 na naitala natin sa Ilocos Sur particularly in the town of Narvacan. So far, ‘yung ating humanitarian na napapaabot ay nasa P41,000 pa lamang, medyo, since dahil malapit pa naman ‘yung affected individual. But then, so far naman po hindi pa naman talaga nagno-normalize ‘yung sitwasyon we can safely say na baka ‘yung numero na ito ay madagdagan and the same time ‘yung cost of humanitarian assistance natin ay maaaring mag-increase rin,” ani Asec. Lopez.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble