ISANG sunog ang sumiklab malapit sa JR Omori Station sa Ota Ward, Tokyo, bandang alas-10:10 ng umaga noong Linggo, dahilan upang masuspinde ang serbisyo ng mga tren ng East Japan Railway Co.
Ayon sa Tokyo Fire Department, naganap ang sunog sa isang lugar sa harap ng Omori Station kung saan siksikan ang mga gusali at tindahan.
Nasunog ang kabuuang 35 square meters ng tatlong gusali, kabilang ang tatlong palapag na gusali na may ramen restaurant.
Isang lalaki na nasa edad 20 ang dinala sa ospital na may mga paso at isang babae na nasa edad 90 ang nagtamo ng mga sugat sa kanyang mukha nang madapa sa fire hose.
Ayon sa JR East, dahil sa sunog ay huminto ang tren ng Keihin Tohoku Line sa pagitan ng mga istasyon ng Omori at Kamata. Makalipas ang 50 minuto ay 800 pasahero ang bumaba sa mga riles patungo sa isang malapit pa na railroad crossing.
Nasuspinde rin ang Keihin Tohoku Line at Tokaido Line nang 3 oras at 20 minuto sa kaparehong inbound at outbound line at kabuuang 23 tren ang nasuspinde kung saan umabot sa 58,000 pasahero ang apektado.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa rin ng Omori Police Station ng Metropolitan Police Department ang sanhi ng sunog.