INIHAYAG ng Manila Electric Company (Meralco) na 100 porsyento nang naibalik ang suplay ng kuryente sa kanilang franchise areas na naapektuhan ng nagdaang Bagyong Paeng.
Ayon kay Claire Feliciano, Head of Public Relations ng Meralco, ito ay bilang pagtupad sa kanilang pangako na maibalik sa normal ang suplay ng kuryente sa kanilang mga konsyumer.
Dagdag ni Feliciano, sa ngayon ay tanging mapping up operation na lamang ng mga linemen ng Meralco ang ginagawa.
Ang nasabing aktibidad ay paraan upang suriin kung mayroong individual households ang wala pang kuryente.
Aniya, isa sa dahilan kung bakit nawalan ng suplay ng kuryente ang kanilang konsyumer ay dahil napinsala ng Bagyong Paeng ang kanilang mga pasilidad.
Kabilang sa mga franchise area ng Meralco na nagkaroon ng power interruption nitong nakaraang mga araw ay ang Laguna, Cavite, Batangas, Rizal, Metro Manila, Bulacan at Pampanga.
Matatandaang, nagkaroon ng power supply interruption sa malaking bahagi ng bansa matapos manalasa ang Bagyong Paeng.
Sa datos ng Meralco, umabot sa higit 4 milyon o katumbas ng 50% na mga customer ang nakaranas ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa ilalim ng kanilang franchise.
Nilinaw nila na hindi agad naibalik ang suplay dahil maraming lugar ang nalubog sa baha.
Pero, ngayong balik-operasyon na pinasalamatan ng Meralco ang kanilang mga konsyumer dahil sa malaking pag-unawa.