KATAMBAL ng matinding trapiko sa Metro Manila ay ang napakalaking surge fee ng Transportation Network Vehicle Services (TNVS).
Dahil dito, ay nais ngayon paimbestigahan sa Senado ang price surge ng TNVS, partikular na ng GRAB car lalo na ngayong Holiday Season.
Sa isang mensahe inilahad ni Senador Raffy Tulfo na isang resolusyon ang kanyang ihahain para paiimbestigahan “In aid of legislation” ang pangyayari.
“Maraming reklamo ang nakarating sa akin mula sa mga pasaherong gumagamit ng Grab na ayon sa kanila, kasama sa sinisingil na pasahe ng nasabing ride hailing application ang napakalaking surge fee,” ayon kay Sen. Raffy Tulfo.
Kaugnay nito ay una nang nakipag-ugnayan ang opisina ni Sen. Raffy Tulfo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at tinanong kung ano na ang kanilang mga naging aksyon sa problemang ito.
Ayon sa LTFRB, nagsagawa na ang ahensya ng paunang imbestigasyon ukol sa surge fee na inirereklamo ng maraming commuters at nakatakda raw silang maglabas ng isang draft resolution sa lalong madaling panahon.
Nakapaloob sa nasabing resolusyon ang mga findings nila at lahat ng posibleng sanction sa mga violators, lalo na sa Grab kung mapatunayan na hindi ito sumusunod sa itinakdang fare rates sa mga TNVS na nakapaloob sa kanilang Memorandum Circular No. 2019-036.
Sakali namang mapapatunayang lumabag ang Grab o sinumang transport network company sa fare rates ay maaari silang patawan ng monetary penalties, suspension o ‘di kaya ay tuluyang pagkakakansela ng kanilang prangkisa alinsunod sa Joint Administrative Order No. 2014-01.